Calendar
Sen. Risa kumpiyansa: Impeachment trial vs VP Sara magpapatuloy
NAGPAHAYAG ng buong kumpiyansa si Senadora Risa Hontiveros na magpapatuloy ang impeachment trial laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte ayon sa itinakdang iskedyul, sa kabila ng mga mosyong humihiling ng suspensyon o pagpapawalang-bisa ng proseso.
Sa panayam sa DZRH, inihayag ni Hontiveros: “Ngayon ay nagpapatuloy po at buhay na buhay ang impeachment trial.” Ipinabatid niyang gaganapin ang susunod na pormal na sesyon ng impeachment court ng Senado sa Hulyo 29, isang araw matapos ang State of the Nation Address ng Pangulo.
Ayon sa senadora, kapwa naipasa ng panig ni Pangalawang Pangulo Duterte at ng mga tagausig mula sa Kamara ang kanilang mga kinakailangang dokumento sa itinakdang panahon, batay sa alituntunin ng Senado. Idinetalye rin niya na mula 12:01 n.g. noong Hunyo 30, opisyal nang nagsimulang umupo ang Senado bilang impeachment court.
Dagdag pa ni Hontiveros, maaaring manumpa ang 12 bagong halal na senador bilang mga senator-judges anumang oras, depende sa pasya ng presiding officer.
Kabilang sa mga isinumite ng kampo ni Duterte ang isang mosyon para ibasura ang kaso, habang naghain naman si Senador Ronald “Bato” dela Rosa ng mosyon para ipasuspinde ang paglilitis.
Ipinaliwanag ni Hontiveros na tatalakayin at rerepasuhin ng mga senador ang mga mosyong ito. “Kailangan mapresenta sa amin convened ng mga senator-judges yung ganyang mga submissions para aming matimbang,” aniya.
Binigyang-diin din ni Hontiveros na hindi hadlang sa pagpapatuloy ng paglilitis ang hindi pagdalo ng Pangalawang Pangulo. “Tuloy na tuloy po… pagbabatayan ng aming boto ang ebidensya at mga witnesses,” ayon sa kanya.
Bago pormal na buksan muli ang paglilitis, inaasahang magaganap ang reorganisasyon ng Senado sa Hulyo 28, kung saan pagtitibayin ang mga bloc alignment ng mga senador. Ayon kay Hontiveros, “Kami po ay accountable at responsable sa desisyon na kukunin namin.”
Iginiit niyang nananatili sa hurisdiksyon ng Senado ang impeachment trial, at isasagawa ito ayon sa umiiral na mga tuntunin, kabilang ang pormal na presentasyon ng ebidensya at mga testigo.

