Calendar
Source: Go Lokal
Sen. Win: Suportahan natin, sariling atin
“SUPORTAHAN natin ang sariling atin.
Ito ang apela ni Senador Sherwin Gatchalian sa mga Pilipino upang suportahan ang mga produktong lokal, ipinabatid niyang sa bawat pagbili ng gawang-Pilipinas, direktang natutulungan ang kapwa Pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho at kabuhayan.
Sa kanyang pahayag kaugnay ng pagdiriwang ng Made in the Philippines Product Week, kinilala ni Gatchalian ang mahalagang ambag ng mga negosyante at manggagawang Pilipino sa pagpapatibay ng ekonomiya ng bansa. “The Made in the Philippines Product Week celebrates Filipino ingenuity, talent, and the resilience of local entrepreneurs and workers,” aniya.
Ipinunto ng senador na ang mga lokal na industriya ang nagsisilbing gulugod ng ekonomiya at kabuhayan ng mga komunidad. Sa ganitong konteksto, iginiit niya ang pangangailangang patatagin ang suporta mula sa mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng ganap na pagpapatupad ng One Town, One Product (OTOP) Philippines Act—isang batas na naglalayong itampok at itaguyod ang natatanging produkto ng bawat bayan.
Binigyang-linaw ni Gatchalian ang kahulugan ng kanyang panawagang “Biling Lokal, Kabuhayan Kapital.” Aniya, “Bawat biling lokal, trabaho at kabuhayan ang kapital. Kaya suportahan natin ang mga lokal na produkto dahil ito rin ay pamumuhunan sa mga pangarap at kabuhayan ng ating kapwa Pilipino.” Sa madaling sabi, ang simpleng pagbili ng produktong lokal ay nagbibigay ng hanapbuhay at pag-asa sa maraming Pilipino.
Ang panawagan ng senador ay tumutugma sa mga pambansang hakbang upang palakasin ang industriyang lokal, isulong ang sariling kakayahan ng bansa, at pukawin ang pagmamalaki sa mga gawang-Pilipinas ngayong lingguhang selebrasyon.

