Senado

SENADO INAPRUBAHAN PAG-ALIS NG APPEAL BOND PARA SA MAHIHIRAP, WALANG TAHANAN SA EJECTMENT CASES

25 Views

INAPRUBAHAN ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa nitong Martes ang panukalang hindi na mag-aatas sa underprivileged at homeless citizens na maglagak ng supersedeas bond kapag umaapela sa ejectment cases.

Inaprubahan ang Senate Bill No. 70 sa botong 19-0 at layunin nitong amyendahan ang Republic Act No. 7279 o Urban Development and Housing Act.

Sa ilalim ng panukala, hindi na kailangang maglagak ng supersedeas bond ang underprivileged at homeless na appellant upang maituloy ang apela sa isang ejectment case.

Ang supersedeas bond ay karaniwang inihahain upang mapigil ang pagpapatupad ng desisyon habang nakabinbin ang apela.

Papayagan ng panukala ang mga korte na tumanggap ng certificate of indigency mula sa barangay o katulad na dokumento bilang kapalit ng bond. Ayon sa panukala, sapat ang sertipikasyong ito kasama ng apela upang mapigil ang pagpapatupad ng desisyon habang dinidinig ang apela.

Sinabi ni Senador Francis “Chiz” Escudero, sponsor ng panukala, na layunin ng exemption na pahintulutan ang mahihirap na litigant na umapela nang hindi naglalagak ng supersedeas bond.

“Lubos po akong nagpapasalamat sa ating mga kasamahan sa Senado sa pagpasa ng panukalang ito. Mahalaga ito para mabigyan ng patas na pagkakataon ang mahihirap nating mga kababayan na umapela sa korte kahit wala silang kakayahang magbayad ng supersedeas bond,” sinabi ni Escudero.