Just In

Calendar

May 2026
M T W T F S S
 123
45678910
11121314151617
18192021222324
25262728293031
Budget Source: PNA file photo

Senado nagkaisa para sa mas bukas na badyet, pampublikong pagsubaybay

262 Views

BUONG suporta at pagkakaisa ang ipinamalas ng Senado sa pagpapatibay ng Senate Concurrent Resolution No. 4, na nag-uutos ng ganap na transparency sa proseso ng pambansang badyet para sa taong 2026.

Sa ilalim ng naturang resolusyon, na inihain noong Agosto 6, 2025, inaatasan ang Senado at Kamara na ilathala sa kanilang opisyal na mga website ang lahat ng mahahalagang dokumento kaugnay ng 2026 General Appropriations Act (GAA). Kabilang dito ang BP 201 forms mula sa mga ahensya, ang General Appropriations Bill na pinagtibay ng parehong kapulungan, ang Bicameral Conference Committee Report at Joint Explanation, mga transcript ng budget briefings, pampublikong pagdinig, pagpupulong ng technical working groups, pati na rin ang mga committee report at plenary journal records.

Ipinaliwanag sa resolusyon na bagaman nailalathala na sa publiko ang National Expenditure Program at ang pinal na GAA, nananatiling limitado ang access ng publiko sa iba pang mahahalagang dokumento, gaya ng mga committee report at bicameral outputs. Dahil dito, nagiging hadlang ito sa mas malawak at makabuluhang partisipasyon ng mamamayan sa proseso ng pagbuo ng badyet.

Ipinahayag ni Senador Alan Peter Cayetano ang kahalagahan ng pagkilos na ito: “We will ensure full transparency. The national budget is not just the work of a few but a product of the entire Congress, representing every Filipino.”

Binigyang-diin pa niya: “Iisa lang naman ang hangarin ng Pangulo at ng Kongreso: ang tiyaking makakarating ang tulong at serbisyong dapat sa bawat Pilipino, at malinaw kung saan napupunta ang pera ng bayan.”

Ang hakbang ay tugon sa mga isyung inilahad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang 2025 State of the Nation Address, kung saan binigyang-diin niya ang pagkakaroon ng mga “paulit-ulit na anomalya sa badyet.”

Samantala, iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian na sabay-sabay na nilagdaan at inaprubahan ng mga senador ang panukala. “This will be the ‘golden age of transparency and accountability.’ Bilang Finance Committee chairman, hindi ako papayag ng anumang insertion sa budget. I will also make sure that we will be very strict when it comes to confidential funds,” ani Gatchalian.

Idinagdag pa niya na ang kasalukuyang mga teknolohikal na inobasyon ay nagbibigay ng kakayahang gumawa ng mga sentralisado, accessible, at searchable na platform para sa budget data—isang mahalagang hakbang tungo sa bukás at digital na pamahalaan.

Nakasaad din sa resolusyon na ang publiko ay bibigyan ng plataporma sa website ng Senado at Kamara upang maiparating ang kanilang pagsusuri, suhestiyon, at puna ukol sa pambansang badyet.