Calendar
Senado OK na Kamara mag-sesyon para sa pag-apruba ng nat’l badyet
NAGBIGAY ng pahintulot ang Senado sa kahilingan ng Mababang Kapulungan na magsagawa ng plenary session sa Lunes, October 13, 2025, upang maisulong ang pagpasa ng panukalang pambansang badyet para sa 2026 sa ikatlo at pinal na pagbasa.
Ang desisyon ay ipinasok sa talaan bago ang pag-adjourn ng sesyon upang matiyak na parehong sumusunod ang dalawang kapulungan sa mga itinatadhana ng Konstitusyon hinggil sa proseso ng pagpasa ng mga panukalang batas sa badyet.
“While adhering to the requirements of the Constitution, particularly the mandatory three-day interval between the Second and Third Readings of a bill, the Senate of the Philippines hereby consents to the convening of the House of Representatives in plenary session on October 13, 2025, or three (3) days after the Senate adjourns on October 10, 2025, for the consideration and approval of the General Appropriations Bill for FY 2026 on Third and Final Reading,” pahayag ni Senate President Vicente Sotto III.
Ayon sa mga opisyal ng Senado, ang nasabing pahintulot ay isang hakbang na teknikal upang payagan ang Kamara na magpulong habang naka-break ang lehislatura para mapabilis ang pag-apruba ng badyet. Sa ilalim ng Artikulo VI, Seksyon 26 (2) ng 1987 Konstitusyon, kinakailangang maipasa ang isang panukalang batas sa tatlong pagbasa sa magkaibang araw maliban kung ito ay sertipikadong urgent ng Pangulo.
Walang pagtutol mula sa mga senador sa kahilingan ng liderato ng Kamara na sinabing mahalagang maipasa agad ang panukalang badyet upang maiwasan ang pagkaantala sa operasyon ng pamahalaan. Ang General Appropriations Bill (GAB) para sa 2026 ay naglalaan ng pondo para sa mga pangunahing programa sa agrikultura, imprastraktura, at serbisyong panlipunan.
Nagkasundo rin umano ang dalawang kapulungan na magtulungan sa bicameral conference committee upang matiyak na handa ang pinal na bersiyon ng badyet para sa ratipikasyon bago matapos ang taon.
Sinabi ni Sotto na patuloy na tinitiyak ng Senado ang pagsunod sa mga alituntunin ng Konstitusyon habang sinusuportahan ang maagap na pagpasa ng pambansang badyet.
“We maintain transparency, compliance, and cooperation with the House to guarantee that government spending is authorized on time and consistent with public interest,” dagdag pa niya.

