Calendar
Serye ng bomb threat sa mga paaralan sa Tarlac iniimbestigahan na
TARLAC CITY ― Anim na paaralan sa Tarlac City ang isinailalim sa heightened alert noong Lunes ng hapon matapos makatanggap ng online bomb threats ang ilang opisyal ng paaralan at isang barangay chairman kapalit ng pera para umano sa kanilang kaligtasan.
Sa ulat kay Police Regional Office (PRO) 3 Director Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr., sinabi ng Tarlac City police na nai-report ang mga banta bandang alas-4:30 ng hapon ng mga opisyal mula sa mga paaralang Central Azucarera de Tarlac High School sa Barangay Balete; Maligaya Elementary School sa Barangay Maligaya; Paraiso Elementary School sa Barangay Paraiso; Lourdes Elementary School sa Barangay Lourdes; San Isidro Elementary School sa Barangay San Isidro; at Central San Miguel Elementary School sa Barangay San Miguel.
Kabilang sa mga nag-report sina Balete Barangay Chairman Arnold Ladera; Central San Miguel Elementary School Head Teacher Fernando Altares; Maligaya Elementary School Principal Vilma Caowigan; Paraiso Elementary School Head Teacher Janel Cayabyab; Lourdes Elementary School Principal Agrefina Gomez; at San Isidro Elementary School Head Teacher Fatima Alimurong.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, mula alas-12 ng tanghali hanggang 1:30 ng hapon ng parehong araw ay nakatanggap ang mga naturang opisyal ng mga nakakatakot na mensahe sa kanilang Facebook accounts o opisyal na school pages.
Nagmula ang mga mensahe sa isang user na kinilalang “Kill Once You Decline,” na humihingi ng tig-P1 milyon mula sa bawat paaralan.
Nagbanta ang sender na magpapasabog umano ng mga granada mula sa isang drone sa loob ng mga paaralan habang may pasok kung hindi tutugunan ang kanilang demand.
Ayon sa pulisya, hindi pa nakikilala ang suspek o mga suspek sa likod ng naturang mga banta.
Agad na nagsagawa ng paunang imbestigasyon ang mga awtoridad at humingi ng tulong mula sa Police Explosive and Canine Unit (PECU) para sa clearing at paneling operations sa mga apektadong paaralan.
Sa ngayon, wala pang nakikitang anumang pampasabog at wala ring naiulat na nasaktan. Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan ng online threats at matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at kawani ng paaralan.

