Phivolcs

Bulkang Mayon nakitaan ng matim na lava, Alert Level 1 nananatili

205 Views

NAGLABAS ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng mga bagong close up shots ng Bulkang Mayon na kuha noong Disyembre 8 hanggang 10, 2025 na nagpapakita ng pag-usbong ng mga panibagong “lava spines” o kumpol ng maitim na lava na tumatakip sa summit lava dome ng bulkan.

Ayon sa PHIVOLCS, indikasyon ang mga pagbabagong ito na may pumapasok na bagong mababaw na magma sa loob ng bulkan, dahilan upang magbago ang istruktura ng lava dome. Kasabay nito, naitala rin ang pagtaas ng rockfall events—mula sa karaniwang tatlo bawat araw ngayong 2025 patungong 16 na insidente kada araw ngayong Disyembre—bunsod ng paglabas ng sariwang lava sa tuktok.

Sa kabila ng mga pagbabagong ito, nananatili sa Alert Level 1 ang Mayon Volcano.

Ayon sa PHIVOLCS na mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone dahil sa patuloy na banta ng biglaang pagguho, pagbuga ng mainit na bato, at iba pang posibleng panganib na may kaugnayan sa aktibidad ng bulkan.

Patuloy na hinihikayat ng ahensya ang publiko na manatiling nakaantabay sa mga opisyal na abiso at pag-update hinggil sa lagay ng Bulkang Mayon.