Libanan

Small committee limitado, pansamantala lamang papel sa budget process— Minority leader

233 Views

IGINIIT ni House Minority Leader Marcelino Libanan ng 4Ps Party-list na limitado at pansamantala lamang ang kapangyarihan ng “small committee” ng Kamara taliwas sa pinalalabas na ito ang nagdidikta kung ano kalalabasan ng pambansang budget.

“Pero kailangan natin ilagay sa tamang perspective ang ating paggawa ng batas … Ang function ng small committee ay tumanggap ng individual amendments para sa GAB I, at ‘yung individual amendments ipo-proseso po ng small committee at ito po ilalagay sa GAB II na aprubahan po ng plenaryo,” ani Libanan.

Ipinaliwanag ni Libanan na ang pagbuo ng small committee ay unang ginawa noon pang 18th Congress, sa panahon ng administrasyong Duterte upang mapablis ang pagtanggap ng mga individual amendments mula sa mahigit 300 miyembro ng Kamara.

Ayon kay Libanan kinakalap lamang ng small committee ang mga panukalang amyenda bago ito isinumite sa plenaryo para sa pinal na pagboto.

Tinukoy ni Libanan na ang kinalabasan ng proseso ay dumadaan pa rin sa debate, amendment, at pag-apruba sa harap ng publiko.

Binigyang-diin ng minority leader na ang small committee ay dapat maunawaan sa mas malawak na balangkas ng proseso ng budget.

Aniya, nagsisimula ang deliberasyon sa pre-budget briefings, sinusundan ng plenary interpellations at debates, at saka papasok ang amendments. Pagkatapos lamang ng mga mahigpit na yugtong ito pumapasok ang small committee para sa teknikal na konsolidasyon.

“Una po, pag budget hearing katulad ng ginagawa dito. Pagkatapos ng pre-budget briefing ay nagpupunta ito sa plenary. Duon magkakaroon ng period of interpellation and debate,” paliwanag niya, na binigyang-diin na sa dulo ng proseso pumapasok ang small committee.

Ipinunto rin ni Libanan na limitado ang kanyang papel sa small committee at hindi ito nagbibigay sa kanya o sa minority bloc ng malawak na kontrol sa alokasyon.

“Ang role ng minority leader sa small committee ay i-collate ang mga kahilingan ng mga minority members. Sa akin po, ipina-received ko yung ating kahilingan, yung kahilingan ng mga committee members at iprinisinta ko ito kay Chairman Zaldy Co,” aniya.

Ibinahagi pa niya na marami sa kanyang sariling kahilingan ay hindi man lang naisama sa 2025 budget, patunay na ang pagiging miyembro ng small committee ay hindi garantiya ng pag-apruba sa mga panukala.

Kabilang sa kanyang mga isinumiteng panukala ang matagal nang nakabinbing Northern Samar–Matnog bridge project na ilang ulit nang nabanggit sa plenary debates ngunit nananatiling hindi tiyak ang kapalaran.

“Unfortunately, sa aking kahilingan, limang items na maliliit walang pumasok sa 2025. Pero may mga ibang na-request ko po,” pag-amin ni Libanan.

Dagdag pa niya, pansamantala lamang ang existence ng small committee at awtomatikong nabubuwag kapag inaprubahan na ang General Appropriations Bill (GAB).

“So once inaprubahan po ng HOR ang GAB II, automatic na po nadi-dissolve yung small committee. Ganun lang po nag function niyan,” aniya.

Bilang pagtukoy sa checks and balances ng sistema, ipinaalala ni Libanan na kapag inaprubahan ng Kamara ang GAB, Senado naman ang magsasagawa ng sariling budget hearings.

Pagkatapos, ang mga hindi pagkakaunawaan ng dalawang kapulungan ay nireresolba sa bicameral conference committee, na karaniwang pinangungunahan ng appropriations at finance chairs, at hindi ng mga miyembro ng small committee.

“At dun din po at sa panahong yun imo-motion naman ng HOR to authorize the Chairperson of the Committee on Appropriations together with the technical staff para sila ang mag-reconcile dahil sila yung mas nakakaalam,” paliwanag niya.

Sa tanong kung gaano kadalas nagkikita ang small committee, sinabi ni Libanan na minimal lamang ang aktibidad nito.

“Sa totoo, dalawang beses lang kami nagkikita sa small committee na ‘yan. Una, buksan tapos tanggapin ang ating proposal na in this case ipinareceive natin. Pagkatapos magre-report na po ang chairman na ito na ang naging kinalabasan at ito na ang GAB na ipre-present sa GAB II,” paliwanag niya, sabay giit na transparent at may takdang oras ang proseso.

Sa tanong tungkol sa desisyon ni Navotas Rep. Toby Tiangco na humarap sa Senate Blue Ribbon Committee habang nagsasagawa ng sariling imbestigasyon ang Infra-Comm ng Kamara, sinabi ni Libanan na malaya ang mga mambabatas na pumili ng kanilang aksyon.

Ngunit ipinagtanggol niya ang proseso ng Kamara laban sa mga paratang ng iregularidad.

“Nasa kanya naman yan, may karapatan naman siya kung anong gusto niyang gawin pero gusto ko lang ipahayag ang tama na ginagawa po natin dito na nagsisikap naman ang ating mga miyembro ng Kongreso,” aniya.

Ipinahayag ni Libanan ang pangamba na nagkaroon na ng maling impresyon ang publiko tungkol sa small committee.

“Sana hindi magkaroon ng masamang alintana tungkol sa small committee na yan dahil nakikita naman natin transparent naman ang ginagawa dito sa Kongreso,” sabi niya.

“Pinagbobotohan po ito sa floor. Imino-motion po ito pinagbobotohan sa floor. Lahat po ito pinagbobotohan sa floor,” dagdag ni Libanan.