PBBM

SONA week ni PBBM: Nakatuon sa laban vs katiwalian, serbisyong panlipunan, agarang tugon sa kalamidad

522 Views

PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang isang linggo ng matinding pagtutok sa mabuting pamamahala, na kinabibilangan ng mga hakbang laban sa katiwalian, pagpapalawak ng mga programang panlipunan, at konkretong aksyon sa paghahatid ng serbisyong pampubliko.

Sinimulan ang linggo sa pamamagitan ng ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos noong Hulyo 28, kung saan inilahad niya ang mga inisyatibong layong pagbutihin ang pagbibigay ng serbisyo ng pamahalaan sa mamamayan.

“Mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino!” mariing pahayag ng Pangulo laban sa katiwalian sa mga proyekto sa kontrol ng pagbaha, kasunod ng malawakang pagbaha na nagpalikas sa maraming komunidad dahil sa habagat na pinalakas ng bagyo.

Inatasan ng Pangulo ang masusing audit at mga hakbang para sa transparency, at nanawagan ng legal na aksyon laban sa mga gumamit nang mali sa pondo ng bayan.

Binalaan din niya ang Kongreso na iveto niya ang anumang panukalang pambansang badyet para sa 2026 na hindi umaayon sa mga prayoridad ng kanyang administrasyon, bilang bahagi ng kanyang pagtutok sa integridad ng pampublikong pananalapi.

Kabilang sa mga direktiba ng Pangulo ang:

Pagsasampa ng aksyon laban sa mga water district at pribadong kasosyo na bigong makapaghatid ng maayos na serbisyo sa mahigit 6 milyong kabahayan;

Paglalaan ng ₱60 bilyon para sa libreng pampublikong kolehiyo at teknikal-bokasyonal na edukasyon;

Zero-billing policy para sa mga miyembro ng PhilHealth sa mga ospital ng Department of Health (DOH).

Noong Hulyo 30, tinanggap ng Pangulo ang Country Partnership Framework (CPF) ng World Bank Group para sa Pilipinas mula 2025 hanggang 2031, bilang suporta sa agenda ng pamahalaan sa kalusugan, edukasyon, at paglikha ng trabaho.

Noong Agosto 1, nagtungo si Pangulong Marcos sa Zamboanga del Norte upang mamahagi ng mga pangunahing suporta sa edukasyon at kalusugan.

Binisita niya ang Camul Elementary School sa bayan ng Tampilisan, kung saan sinubukan niya mismo ang bisa ng dalawang yunit ng Starlink satellite internet service na donasyon sa paaralan.

Sa Lungsod ng Dipolog, namahagi ang Pangulo ng 106 na patient transport vehicles (PTVs) sa mga local government units (LGUs) upang mapagsilbihan ang mga mamamayan lalo na sa mga liblib na lugar.

Noong Agosto 2, inilunsad ni Pangulong Marcos ang kampanyang Bayanihan sa Estero, isang multi-sectoral na inisyatibo upang linisin ang mga estero at daluyan ng tubig sa Metro Manila at maiwasan ang madalas na pagbaha tuwing tag-ulan.

Ayon sa Pangulo, hindi sapat ang mga flood control project kung barado pa rin ang mga estero at daluyan ng tubig dahil sa basura at water hyacinths. PCO