Sotto

Sotto hiniling randum drug test sa Senado

227 Views

MATAPOS ang kontrobersiyal na amoy ng marijuana na humalimuyak sa kapaligiran ng Senado sa pangalawang palapag, hinimok ng ilang senador ang pamunuan ng Senado na muling buhayin ang patakaran sa random drug testing matapo ang nasabing insidente kung saan isang kawani ng Senado ang nasangkot sa umano’y paggamit ng ipinagbabawal na gamot na kumaladkad sa pangalan ng institusyon.

Ayon sa ulat mula sa Tanggapan ng Senate Sergeant-at-Arms, isang staff mula sa opisina ni Senador Robinhood Padilla ang nakitang lumabas mula sa palikurang pambabae kung saan naamoy umano ang tila amoy ng marijuana.

Mariing itinanggi ng staff ang akusasyon at iginiit na isang vape device lamang ang kanyang dala. Inatasan siya ng opisina ni Senador Padilla na magsumite ng nakasulat na paliwanag sa loob ng limang araw.

Sa gitna ng isyu, nanawagan si Senate Minority Leader Vicente Sotto III na ibalik ang dating random drug testing policy na ipinatupad sa ilalim ng kanyang panunungkulan bilang Senate President.

Aniya, “Under the previous policy, selected offices were subjected to testing once a week.” Ikinuwento rin niya na may naitalang insidente noon kung saan sinibak sa puwesto ang isang kawani matapos tumangging sumailalim sa pagsusuri.

Suportado rin ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, Chairperson ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, ang mungkahing pagbabalik ng regular na drug testing.

Gayundin ang naging pahayag ni Senate Majority Leader Joel Villanueva. Ayon sa kanya, “I support testing for both Senate officials and staff,” at handa rin umano siyang sumailalim sa pagsusuri.

Dagdag pa ng isang senador, ang marijuana ay nananatiling kabilang sa listahan ng ipinagbabawal na gamot sa ilalim ng Dangerous Drugs Act. Isa pang ulat ang nagsabing may mga kahalintulad na insidente umano sa ikalimang palapag ng gusali ng Senado.

Sa ngayon, isinasagawa ang internal na imbestigasyon ng Tanggapan ng Senate Sergeant-at-Arms. Wala pa ring pinal na anunsyo mula sa pamunuan ng Senado kaugnay ng muling pagpapatupad ng random drug testing.