Dy

Speaker Bojie Dy pinapurihan si PBBM dahil sa malasakit sa mga magsasaka, mangingisda

Mar Rodriguez Oct 27, 2025
344 Views

PINAPURIHAN ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. matapos nitong lagdaan ang Executive Orders 100 at 101 na nagpapakita ng malasakit ng kaniyang pamahalaan para sa sektor ng mga magsasaka at mangingisda.

Sinabi ng House Speaker na maituturing na simboliko ang pagpirma ng Pangulong Marcos, Jr. sa EO No. 100 at 101 sapagkat ipinapakita lamang nito na nararamdaman ng Punong Ehekutibo ang mga problemang kinakaharap ng mga magsasaka at mangingisda kung saan ito ay agad na tutugunan ng pamahalaan.

Pagbibigay diin ni Speaker Dy na muling ipinamalas ng Pangulo ang kaniyang malasakit para sa sektor ng mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng EO No. 100 at 101 dahil nais lamang pangalagaan ni PBBM ang kanilang kapakanan, kabuhayan at kagalingan.

“Makikita natin na muling pinatunayan ni Pangulong Marcos, Jr. na siya ay mayroong tunay na malasakit para sa ating mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng dalawang Executive Order na nilagdaan niya. Pinangangalagaan ng ating Pangulo ang kanilang kabuhayan, pinatitibay ang seguridad sa pagkain at binibigyan ng katarungan ang mga matagal nang nagsasakripisyo sa mga bukid at dagat,” wika ni Speaker Dy.

Ipinaliwanag ni Dy na sa ilalim ng EO 100. Itinatakda ng pamahalaan ang “floor price” ng palay na naglalayong maprotektahan ang mga magsasaka sa mga abusado at mapagsamantalang rice traders na kadalasan ay masyadong binabarat ang kanilang mga palay sa tuwing panahon ng anihan.

Iginigiit ng House Speaker matagal na umanong pinapasan ng mga magsasaka ang kawalan ng tamang presyo sa kanilang mga ani. Kung saan, sa ilalim ng EO 100. Mayroong katiyakan na sa bawat halaga ng butil ng palay ay magkakaroon din ng katiyakan na hindi masasayang ang kanilang pinagpaguran.

“Ang EO 101 naman ang nagbibigay ng bagong pag-asa sa mga nasa likod ng ating pagkain. Wala nang paligoy-ligoy at wala ng mamamagitan dahil ang kita ay diretso na agad sa bulsa ng mga magsasaka at mga mangingisda. Wala ng magiging middle man,” sabi ni Speaker Dy.