Dy

Speaker Dy handang ipakita SALN kung kailangan para maging halimbawa

309 Views

INIHAYAG ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III nitong Miyerkules na rerepasuhin ng House of Representatives ang mga patakaran kaugnay sa public disclosure ng Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng mga miyembro nito, upang maisulong ang transparency at pananagutan. Dagdag pa niya, handa siyang ilabas ang sarili niyang SALN kung kinakailangan upang magsilbing halimbawa.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Dy na bukas naman sa ideya ang karamihan sa mga kongresista, at pag-uusapan nila nang pormal ang mga hakbang sa panahon ng congressional break upang matiyak ang pare-parehong pagsisiwalat.

“Actually, hindi naman formal na napag-uusapan pero ‘yung usap-usapan ng mga miyembro ng House, willing naman sila,” ani Dy kina beteranong broadcaster Ted Failon at DJ Chacha.

“Sa tingin ko, magandang mapag-usapan ‘yan. During our break, pag-uusapan naming mabuti para makapaglabas kami [ng malinaw na patakaran kung paano namin ipapakita] ang suporta sa paglalabas ng aming mga SALN.”

Ang pahayag ng Speaker ay kasunod ng bagong memorandum na inilabas ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na muling nagpapahintulot ng public access sa SALNs.

Sa ilalim ng kautusan, maaaring humiling ng kopya ng SALNs ang publiko—na may mga sensitibong personal na impormasyon na tinanggal—at ito’y dapat ibigay sa loob ng 10 araw ng trabaho mula sa araw ng pagsusumite.

Dagdag pa ni Remulla, hihingi rin siya ng mga kopya ng SALNs mula sa Senado at Kamara, at binigyang-diin na lahat ng opisyal at empleyado ng pamahalaan ay kailangang magsumite nito sa Office of the Ombudsman.

Naalala ni Dy na dati ay bukas sa publiko ang SALN ng mga mambabatas, at iginiit niyang dapat ibalik ang ganitong gawain sa Kongreso.

“Noong panahon natin, open naman para makita ng publiko ‘yung ating SALN,” sabi niya kay Failon, na kapwa niya naging kongresista mahigit dalawang dekada na ang nakalipas.

“Hintayin na lang natin kung ano pa ‘yung mga susunod na kautusan para talagang maging transparent at maipakita ang SALN ng bawat mambabatas,” dagdag niya.

Nang tanungin ni Failon kung siya ba mismo ang mangunguna sa pagpapakita ng kanyang SALN, mabilis ang sagot ni Dy: “Kung kinakailangan, siyempre, lead by example tayo.”