Martin

Speaker Romualdez: Generation HOPE program ng DepEd tugma sa layunin ni PBBM na edukasyon palakasin

339 Views

IKINATUWA ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang partnership ng Department of Education (DepEd), HOPE, at iba pang pribadong kumpanya upang maresolba ang kakulangan sa mga silid-aralan sa bansa.

Ayon kay Speaker Romualdez ang mga ganitong hakbang ay tugma sa layunin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang edukasyon sa pamamagitan ng whole-of-nation approach.

Ang Generation HOPE program ng DepEd ay tumatanggap ng suporta mula sa mga kumpanyang gaya ng SM, Penshoppe, Grab, Aivee, Carmen’s Best, Sunnies, at Banco de Oro upang makapagtayo ng mga bagong silid-aralan sa buong bansa sa ilalim ng pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor.

“Ang proyektong ito ay hindi lamang pagpapatayo ng mga silid-aralan kundi pagbibigay ng konkretong pag-asa sa bawat batang Pilipino. Sa pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor, nakapagbibigay tayo ng mas ligtas, maayos, at mas epektibong kapaligiran para sa kanilang pag-aaral,” ani Romualdez.

Itinatag noong 2012 ni Nanette Medved-Po, ang HOPE group ay binubuo ng Generation HOPE, Inc. at Friends of HOPE, kung saan lahat ng kita mula sa kanilang mga produktong Hope in a Bottle at Hope in a Box ay inilaan para magpatayo ng mga silid-aralan at magtustos ng iba pang social projects.

Sa ngayon, nakapagtayo na ang HOPE ng 144 silid-aralan na nakatulong sa mahigit 52,000 mag-aaral sa buong bansa. Ang bawat silid-aralan ay may sukat na 7 x 9 metro, matibay laban sa malalakas na bagyo, at may kumpletong gamit tulad ng pisara, mesa ng guro, bentilador, palikuran, at maayos na bentilasyon.

Sinabi ni Romualdez na ipinapakita ng inisyatiba ang kahandaan ng pribadong sektor na tumulong sa pangako ni Pangulong Marcos na tugunan ang kakulangan sa edukasyon. Pinuri rin niya si Education Secretary Sonny Angara dahil sa malinaw na pamumuno at sa pagtitipon ng suporta mula sa gobyerno at pribadong sektor.

“Malinaw na ang direksiyon at malasakit ni Secretary Angara ang nagbibigay ng bagong sigla at kumpiyansa sa ating sektor ng edukasyon. Sa kanyang pamumuno, natitiyak natin na ang mga reporma at inisyatiba ng DepEd ay nakaangkla sa pangarap ng Pangulo na mabigyan ng dekalidad na edukasyon ang bawat batang Pilipino,” pahayag ni Romualdez.

Dagdag pa ng mambabatas: “Sa pakikipag-tulungan sa pribadong sektor, binubuo din natin ang pundasyon ng mga pangarap ng ating susunod na henerasyon—ang pundasyon na magtataas sa kalidad ng edukasyon sa ating bansa at tutulong sa kanila na maisakatuparan ang kanilang mga panaginip.”

Sa kanyang SONA noong Hulyo 28, inihayag ni Pangulong Marcos na makikipagtulungan ang kanyang administrasyon sa pribadong sektor upang makapagtayo ng karagdagang 40,000 silid-aralan bago sumapit ang 2028.

“Nagpapasalamat tayo sa ating pribadong sektor sa walang sawang suporta para sa mga adhikain ng Marcos administration. Ito ay patunay na pinapahalagahan din ng pribadong sektor ang edukasyon ng ating mga mag-aaral upang sila ay maging produktibo, ano man ang larangan na kanilang tahakin sa hinaharap,” wika ni Romualdez.

Tiniyak din ng Speaker na buo ang suporta ng Kongreso sa programa ng Pangulo: “Kami sa Kongreso ay buo rin ang suporta sa programa ng Pangulo na magtayo ng mas marami pang silid-aralan at tutugunan namin ang kanyang hiling sa sapat na pondo habang binabalangkas namin ang ₱6.793-trillion na panukalang budget para sa susunod na taon.”

Sa 2026 national budget, ₱28.1 bilyon ang inilaan para sa Basic Education Facilities, kabilang ang pagpapatayo ng 4,869 bagong silid-aralan at pagsasaayos ng mga kasalukuyang gusali.

Binigyang-diin ni Romualdez na ang proyekto ay higit pa sa pagpapatayo ng mga paaralan, kundi isang patunay ng diwa ng Bagong Pilipinas—kung saan nagkakaisa ang pamahalaan, pribadong sektor, at komunidad upang magtaguyod ng pag-unlad at makabuluhang pagbabago.

“Much more should be done to close the gaps and help advance our education system. As we deliberate on the proposed funding for our teachers and learners, we will see to it that every peso from our taxpayers is prudently and wisely spent for the future of our young, many of whom only wish to uplift their families out of poverty,” ayon pa sa pinuno ng Kamara.

“Under a Bagong Pilipinas, we will aim to make Filipino students and their families feel that we in the government are with them, every step of the way, as they work hard to reach their dreams. This is how governance should be—a commitment to ensuring the future of our next generation of responsible citizens and leaders,” giit pa ni Romualdez.