Martin1 Ang mga lider ng Kamara de Representantes sa pangunguna ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, kasama sina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe at Chairmen Dan Fernandez, Robert Ace Barbers, Toby Tiangco, Romeo Acop, Caraps Paduano at Onie Ferrer, pati sina Reps. Johnny Pimentel at Keith Flores, ay nag-site inspection sa Zun Yuan Technology Inc. POGO hub sa Bamban, Tarlac, hapon ng Lunes. Kasama rin nila si Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Undersecretary Gilbert Cruz at iba pang opisyal. Kuha ni VER NOVENO

Speaker Romualdez tiniyak na may mananagot sa iligal na aktibidad ng POGO

37 Views

TINIYAK ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na mayroong mananagot sa mga iligal na aktibidad na iniuugnay sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

“Those who are accountable will have to face the law,” sabi ni Speaker Romualdez sa isang press conference matapos ang isinagawang inspeksyon sa POGO hub ng Lucky South 99 Inc. sa Porac, Pampanga.

Pinangunahan ni Speaker Romualdez ang mga opisyal ng Kamara de Representantes sa isinagawang ocular inspection sa 10-hektaryang POGO hub na mayroong 46 gusali na sinalakay ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) noong Hunyo.

Nagsagawa rin ng inspeksyon ang mga miyembro ng Kamara sa POGO hub sa Bamban, Tarlac na pinatakbo ng Zun Yuan Ti at sa warehouse ng Empire 999 Realty Corp. sa Mexico, Pampanga, kung saan nakumpiska ang P3.6 bilyong halaga ng shabu noong nakaraang taon.

Sa joint investigation ng House Committees on Public Order and Safety at on Games and Amusements ay naiugnay ang network ng mga Chinese nationals, kasama ang dating presidential adviser Michael Yang, sa operasyon ng POGO at drug trafficking.

“Noong nakaraang administrasyon, na-establish ang industriya at lumago. Congress came up with a law so that it would be regulated for the purpose of collecting taxes. Pero ngayon, nakikita natin na dumami ang illegal activities na ginagamit ito bilang front,” ani Speaker Romualdez.

Ayon kay Speaker kailangan ang inspeksyon upang mas maging malinaw sa mga kongresista ang bubuohin nitong panukalang batas kaugnay ng POGO, na nauna ng sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nais nitong ipagbawal dahil sa masamang epekto nito sa lipunan.

“Those who have been displaced, the government will accommodate so long as they are not complicit in any illegal activities. What to do with all of these assets? How do we move forward para hindi na ito maulit?” paliwanag ng lider ng Kamara.

Sa inspeksyon, sinabi ni Romualdez na naobserbahan nila ng personal ang kondisyon ng mga POGO hub.

“Kaya nandito tayo lahat para hindi lang ang nakikita natin sa video, tayo mismo nakikita na talaga kung ano ang nangyayari dito. Nagugulat kami dito kasi iba talaga very, very offensive ang nangyayari sa nakita natin dito,” sabi pa nito.

“Kung sana ‘yung nag-operate ng POGO ay nag-focus lang sa tamang operations nila, pero nakita natin may mga scam farms, love scams, human trafficking, prostitution, at illegal pornography dito. Maraming masasamang nangyayari. Ginawang front na lang ang isang legitimate operation,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Ayon sa lider ng Kamara nananatili ang pangako ng administrasyong Marcos na papanagutin ang mga nasa likod ng krimen na may kaugnayan sa operasyon ng POGO.

“Kaya sabi ni President BBM, kung ginagamit mo lang ito bilang front, ipapatigil natin ito para ilabas lahat ng ilegal na activities at ang mga nasa likod nito ay haharapin ang buong puwersa ng batas,” sabi pa nito.

Muli ring inulit ng lider ng Kamara ang whole-of-government approach na binanggit ng Pangulo sa kanyang SONA.

“Kaya nandito tayo, ito ang sinasabi na whole of government approach. Nagsalita ang Presidente sa SONA, may ginaganap even bago mag-SONA na policy instructions to look into, enforce the rules and regulations to actually—as what happened here several months ago—shut down illegal operations,” punto pa nito.

“Ito talaga na-proliferate during the previous administration. Dito tayo naka-crackdown ngayon. So we have to work very seriously, seryosong-seryoso talaga ang administrasyon ni PBBM dito sa issue na ito,” wika pa ni Speaker Romualdez.

Ayon kay Speaker Romualdez, isang resolusyon ang binuo para sa pagsasagawa ng joint investigation ng House Committees on Public Order and Safety, on Dangerous Drugs, at on Human Rights kaugnay ng POGO at mga kaugnay na isyu nito.

“Nadidinig natin itong nangyayari dito na pang-aabuso sa mga workers, at may naririnig din tayong EJK (extrajudicial killings) na one way or another, directly or indirectly involved here,” saad pa ng lider ng Kamara.

Sinabi ni Speaker Romualdez na nadiskubre sa naunang mga pagdinig ang magkaka-ugnay at magkakasapaw na isyu na nangangailangan ng magkasamang imbestigasyon ng mga komite ng Kamara.

“Maraming bills dito sa POGO pero nakikita natin na maraming inter-relations na di kakayanin ng isang komite kasi maraming subjects. Ganoon ang istilo natin sa Kongreso, kada issue or subject matter, mayroong nakatutok na komite,” paliwanag nito.

“Pero merong mga spill over, may mga interrelations and overlapping issues na siguro kailangan mako-collaborate para mas magiging meaningful, mas magiging mas comprehensive,” giit pa nito.

Nakasama ni Speaker Romualdez sa isinagawang inspeksyon sina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., at chairpersons ng mga komite na sina Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez (Public Order and Safety), Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers (Dangerous Drugs), Abang Lingkod Rep. Joseph Stephen “Caraps” Paduano (Public Accounts), Cavite 6th District Rep. Antonio Ferrer (Games and Amusements), at Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop (Transportation).

Kasama rin nila sina Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin, at Surigao del Sur 2nd District Rep. Johnny Ty Pimentel.