Bucoy

SPEAKER WALANG KONTROL SA BADYET — ATTY. BUCOY

216 Views

AYON sa isang abogado sa karapatang pantao at pampublikong interes, walang kontrol ang Speaker ng Kapulungan ng mga Kinatawan sa nilalaman ng taunang pambansang badyet at sa pagpapatupad nito, kaya hindi siya maaaring sisihin sa mga iregularidad na may kaugnayan sa badyet.

Sa isang panayam sa radyo sa dzMM noong Biyernes, ipinaliwanag ni Atty. Antonio “Audie” Zoleta Bucoy ang buong proseso ng pagbuo, pagpapatibay, at pagpapatupad ng badyet, gayundin ang itinatakda ng Konstitusyon na papel ng bawat sangay ng pamahalaan sa prosesong ito.

Aniya, hinahati ng Konstitusyon ang proseso sa pagitan ng Sangay Ehekutibo, kung saan nagmumula ang panukalang taunang badyet, at ng Kapulungan ng mga Kinatawan at Senado, na kapwa nagsasagawa ng kani-kanilang deliberasyon bago ito maipasa.

“Unang-una ho, ‘yung structural ng pagbabalangkas ng budget na inilatag ng Konstitusyon ay hinati-hati ho ito ng Konstitusyon sa tatlong magkakaibang sangay ng pamahalaan. Sa Ehekutibo na nagdisenyo ng budget, pagkatapos ay sa Kamara na nagde-deliberate at nagkakaroon ng debate tungkol sa budget… Nagkakaroon sila ng kanilang panukala na ipinapasa sa Senado na mayroon ding katumbas na panukala,” aniya.

Ipinaliwanag niya na ang mga bersyon ng badyet na inaprubahan ng Kamara at Senado ay isinusumite sa isang bicameral technical working group o conference committee bago ibalik ang pinal na bersyon sa dalawang kapulungan para sa huling pag-apruba.

“Ang tawag po sa prosesong ito ay macro-governmental process o pangkabuuang proseso ng pamamahala. Ang ibig sabihin nito ay hinahati ng Konstitusyon ang proseso ng pagbalangkas ng budget,” dagdag niya.

Binigyang-diin ni Bucoy na dahil sa malinaw na paghahati ng mga tungkulin at pananagutan, hindi maaaring akusahan ang dating Speaker na si Ferdinand Martin G. Romualdez na may functional control o anumang kontrol sa pagpapatibay at pagpapatupad ng badyet, maging sa paraan ng pagtalakay ng Kamara sa panukalang paggasta ng Sangay Ehekutibo.

“Dahil dito, hindi ho maaaring ituring o akusahan ang dating Speaker na may functional control o control sa tungkulin ng lehislatura. Bakit ho? Kasi nga ho hinati-hati ng ating Saligang Batas ang proseso sa Ehekutibo, sa Kamara de Representantes at sa Mataas na Kapulungan,” diin niya.

Inulit niya na hindi maaaring diktahan ng Speaker kung ano ang dapat lamanin ng badyet dahil tungkulin ito ng Sangay Ehekutibo, na naghahain ng panukala, at ng dalawang kapulungan ng Kongreso na nagsusuri at nagpapatibay nito.

Aniya, wala ring kontrol ang lider ng Kamara sa pagpapatupad ng badyet, kabilang na ang mga proyekto sa flood control.

“Lalo’t higit wala siyang kapangyarihan na magdikta kung ano ang lalamanin ng National Expenditure Program (NEP) at lalo’t higit wala siyang kinalaman sa pagpapatupad o implementasyon ng mga proyekto sa flood control,” aniya.

Binanggit ng abogado ang testimonya ng dating Senate President na si Franklin Drilon, na nagsilbing amicus curiae o “kaibigan ng hukuman” sa pagdinig ng Korte Suprema sa mga petisyon laban sa 2025 pambansang badyet.

Ayon kay Bucoy, sinabi ni Drilon sa Korte Suprema na ang mga iregularidad sa badyet ay nangyayari sa yugto ng pagpapatupad ng badyet, at hindi sa proseso ng pagpapatibay nito.

“Binigyang-diin ni dating Senate President Drilon bilang amicus curiae na ang katiwalian ay nangyayari sa implementasyon, hindi sa pagbalangkas ng budget. Kaya ho ang tingin niya, ang pang-aabuso at katiwalian ay nangyayari sa implementasyon na walang kinalaman ang dating House Speaker,” aniya.

Dagdag pa niya, hindi maaaring ituring na nasa sentro si Romualdez ng mga kamakailang isyu kaugnay ng mga iregularidad sa mga proyekto sa flood control.

“Sa ganang akin ho at ayon sa aking mga nabasa at ayon sa kawalan ng ebidensiya hanggang sa ngayon, makalipas ang mahigit isang taon, wala pong batayan upang ituring siyang nasa sentro ng usapin,” pagtatapos niya.