Parents

Suhestiyon para Parents Welfare Act mas mapabuti welkam

286 Views

IPINAHAYAG ni Senador Panfilo “Ping” Lacson nitong Lunes ang kanyang kahandaang tanggapin ang mga suhestiyon mula sa publiko upang mas mapabuti ang isinusulong niyang Parents Welfare Act. Ito ay kasunod ng mainit na diskusyon sa social media hinggil sa layunin at posibleng epekto ng panukala.

Bagama’t may ilang puna na nakabatay sa maling impormasyon, iginiit ng senador na pinahahalagahan niya ang mga nagbigay ng kanilang opinyon sa maayos at makabuluhang paraan.

“I still do appreciate those who articulated their concerns in a constructive manner. Whether we admit it or not, the online discourse has shed light on the evolving nuances of family relationships, likely shaped by modern times,” ani Lacson. “As lawmakers, our role is to study those concerns as we fine-tune the contents of our proposals.”

Sa kanyang panig, binigyang-diin niyang mahalaga ang pampublikong talakayan sa pagpapayabong ng isang panukalang batas. “Welcome naman itong mga discourse na ganito, ang mga criticism, argument at counter-argument, welcome ‘yan kasi nae-enrich ang panukalang batas.”

Ipinaliwanag ni Lacson na hindi layunin ng panukala ang palaganapin ang isang kulturang palaasa. Sa halip, nilalayon nitong protektahan ang mga matatandang magulang na isinantabi at iniwan ng kanilang mga anak sa kabila ng sakripisyong ibinigay ng mga ito sa pagpapalaki sa kanila.

“It (the bill) is for the parents who are sick and physically incapacitated, struggling to even have enough to eat, yet are heartlessly abandoned by their financially able children for whom they sacrificed so much,” aniya.

Ibinahagi rin niya ang isang kaso ng mga magulang na nagpundar ng sariling tahanan, ngunit matapos itong ipangalan sa kanilang anak ay pinaalis lamang sila. “Isn’t it abominable that despite the care you gave your children, they just kick you out? To me, the bill’s provision of one to six months’ imprisonment would be justified in this case,” dagdag pa niya.

Binigyang-linaw ng senador na may mga pananggalang ang panukala upang maiwasan ang pang-aabuso sa mga anak. Hindi nito layuning parusahan ang mga anak na nakaranas ng pagmamalupit, kapabayaan, o pag-abandona mula sa kanilang mga magulang. Hindi rin nito pipilitin ang mga anak na walang kakayahang pinansyal na magbigay ng suporta.

“It does not tolerate a ‘culture of dependency’ where many fear that their undeserving and scheming parents will siphon their hard-earned money as a retirement fund. It does not perpetrate the suffering of the ‘sandwich generation’ torn between the burdens of supporting their aging parents and their children,” binigyang-diin ni Lacson.

Isinaad pa niya na ang panukala ay may matibay na batayan sa Saligang Batas at Family Code, at bunga rin ng kanyang personal na karanasan. “Gusto kong i-pursue ito kasi nasabi ko basehan sa Saligang Batas, Family Code at personal experience kung saan out of pagmamahal sa magulang hanggang sa kamatayan, talagang sinamahan ko.”

Inihahandog din ni Lacson ang panukala bilang pagpupugay sa kanyang mga magulang na sina Maxima at Buenaventura, na nagturo sa kanilang magkakapatid ng kahalagahan ng integridad.

“Whatever happens, I am dedicating this piece of legislation, including my commitment to refine it in the committee and defend it in the plenary should it go that far, to all the helplessly struggling parents who have given their all for their children, yet are not as fortunate as they are,” sabi niya.

Tiniyak ng senador na kanyang pangungunahan ang subkomiteng tatalakay sa panukala at handang ipaglaban ito, sa hangaring maulit ang tagumpay na nakuha niya sa pagpasa ng National ID bill. “Di tayo naging magulang o magiging magulang pero lahat tayo naging anak,” dagdag niya bilang paalala sa tungkulin nating lahat bilang mga anak.