Calendar
Sumalpok sa police station, sugatan ‘di na kinasuhan
SUGATAN ang rider na sumalpok ang pinatatakbong motorsiklo sa glass door ng Batasan Police Station 6 sa Quezon City at nakapasok sa lobby ng police station noong Setyembre 13.
Dakong alas-4:30 ng umaga nang mangyari ang insidente sa QCPD Police Station 6 sa IBP Road corner Batasan-San Mateo Road.
Batay sa imbestigasyon, rumagasa ang Honda ADV 2023 ni alyas Arwin sa glass door ng himpilan kaya nabasag at nakapasok ang motorsiklo sa loob.
Umabot ang motorsiklo hanggang sa front desk officer kaya tumakbo palayo ang nakatalagang pulis.
Ligtas ang rider na nagtamo ng mga sugat sa mukha at noo. Isinailalim din siya sa drug at alcohol tests.
Napinsala rin ang ilang ari-arian ng QCPD dahil sa insidente.
Sinabi ni Arwin na pauwi na siya mula sa trabaho nang makatulog habang nagmamaneho ng motorsiklo.
Walang isinampang kaso laban sa rider matapos pumayag na sagutin ang mga pinsalang idinulot niya sa himpilan.

