Tao sa Laguna tumanggap ng pangkabuhayan packs

Gil Aman Jan 8, 2026
257 Views

NAMIGAY ng mga pangkabuhayan products mula sa Pampanga’s Best na nagkakahalaga ng P5,000 bawat isa si Governor Sol Aragones sa lahat ng nanalo sa contest sa Laguna noong Enero.

Bahagi ang contest ng pagtutok ng pamahalaang panlalawigan ng Laguna sa pagbibigay tulong sa mga sektor na nangangailangan ng agarang suporta.

Kasama sa mga ipinamigay ang iba’t-ibang frozen goods.

Upang masiguro ang tamang presyo at pagiging patas sa pagbebenta, nagbigay rin si Gov. Aragones ng price list para sundin ng mga tumanggap ng tulong.

Hinikayat ni Gov. Aragones ang mga nanalo na gamitin nang maayos ang tulong at ituring na pagkakataon para sa mas magandang oportunidad.

“Ang gusto ko lang po sana, yung kikitain n’yo dito, kinakailangan mag-isip kayo ng isa pang hanapbuhay. Binigay po namin ito para palaguin ninyo, maliit na bagay pero sana makatulong sa inyo,” sabi ni Gov. Aragones sa mga nanalo.

Nagpasalamat sa gobernadora ang mga tumanggap ng tulong.

“Masaya po at alam ko pong malaki ang maitutulong nito sa pamilya ko. Maraming salamat po, Gob Sol,” sabi ng isa sa mga nanalo.

Isa pang nanalo, na isang person with disability (PWD), ay nagpasalamat din sa gobernador.

“Malaking tulong po ito kapag napalago ko po at magagamit ko po sa susunod pang negosyo na papasukin ko po,” sabi ng isa pang nanalo.