Calendar
4 laglag sa PDEA buy-bust sa Porac drug den
PORAC, Pampanga — Ni-raid ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)–Pampanga Provincial Office noong Miyerkules ang isang makeshift drug den at inaresto ang apat na indibidwal sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Sta. Cruz sa bayang ito.
Nadakip sa operasyon ang sinasabing operator ng drug den na kinilalang si alyas “Teds,” 59, kasama ang tatlo niyang umano’y kasabwat na nakilala lamang sa mga alyas na “Bill,” 33; “Lex,” 30; at “Isa,” 36.
Nasamsam mula sa mga suspek ang apat na plastic sachet na naglalaman ng tinatayang anim na gramo ng shabu na may halagang hindi bababa sa P40,800, pati na rin ang iba’t ibang drug paraphernalia at ang marked money na ginamit sa operasyon.
Isinailalim sa forensic examination sa PDEA Regional Office 3 laboratory ang mga nakumpiskang ilegal na droga, habang pansamantalang ikinulong ang mga naarestong suspek sa PDEA RO3 jail facility.
Isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng PDEA RO3 Special Enforcement Team at ng Porac Police Station.
Kakaharapin ng mga suspek ang kaukulang kaso sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

