PCIC

MAS MALAWAK NA PCIC INSURANCE SA MAGSASAKA, MANGINGISDA ITINUTULAK

Mar Rodriguez Aug 26, 2026
15 Views

NILALAYONG palawakin ng Kamara de Representantes ang saklaw ng insurance ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) sa pamamagitan ng isang panukalang batas upang higit na maprotektahan ang mga magsasaka, mangingisda at iba pang nasa sektor ng agrikultura laban sa pagkalugi dulot ng kalamidad at iba pang panganib.

Sa ilalim ng House Bill No. 10365, hindi na lamang palay at mais ang maaaring saklawin ng agricultural insurance. Kabilang na rin dito ang high-value crops, livestock, aquaculture at fishery products, agroforestry crops at forest plantations.

Maaari ring saklawin ng insurance ang mga makinarya at kagamitan sa agrikultura, mga sasakyang ginagamit sa transportasyon, kaugnay na imprastraktura gayundin ang life at accident term insurance para sa mga magsasaka at mangingisda.

Itinatakda rin ng panukala na, hangga’t maaari, saklaw ng agricultural insurance ang production inputs, halaga ng paggawa ng mga magsasaka o mangingisda at kanilang mga pamilya at hired workers pati na ang bahagi ng inaasahang ani.

Bibigyan din ng awtoridad ang PCIC na mag-alok ng parametric o index-based insurance at iba pang makabagong insurance products na maaaring mas angkop sa pangangailangan ng mga nasa sektor ng agrikultura.

Pinapayagan din ng HB 10365 ang PCIC na makipagtulungan sa pribadong sektor sa pamamagitan ng public-private partnerships, joint ventures at iba pang katulad na kasunduan kabilang ang mga agricultural cooperatives at farmers’ associations.

Mananatili rin sa ilalim ng panukala ang government premium subsidies para sa mga kwalipikadong subsistence farmers na nagsasaka ng hindi hihigit sa tatlong ektarya, bagama’t susuriin ito pana-panahon.

Tinitiyak din na ang anumang bahagi ng insurance premium na kailangang bayaran ng mga maliliit na magsasaka ay mananatiling makatuwiran at abot-kaya.

Ayon kay Houss Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, mahalaga ang pagpapalawak ng insurance protection upang mas mabilis na makabangon ang mga magsasaka at mangingisda matapos ang pinsala at makabalik agad sa kanilang produksyon.

Sinabi ng Speaker na ang insurance ay hindi lamang tungkol sa pagtanggap ng kabayaran matapos ang isang pagkalugi. Maaari rin itong magsilbing puhunan upang muling makapagtanim, maayos ang mga kagamitan, maibalik ang kabuhayan at maipagpatuloy ang produksyon ng pagkain.

“Kapag may proteksyon ang ating mga magsasaka at mangingisda, mas mabilis silang makakabangon. Kapag mas mabilis silang nakababangon, mas matatag din ang ating produksyon ng pagkain,” ayon sa Speaker.

Sa pamamagitan ng mas malawak na insurance coverage, layunin ng panukala na mapalakas hindi lamang ang kabuhayan ng mga pamilyang umaasa sa agrikultura kundi pati na rin ang food security ng buong bansa.

To God be the Glory