Abante

ABANTE, TUMULIGSA SA ‘PANDEMIC OF LIES,’ NAGBABALA LABAN SA FAKE NEWS

Mar Rodriguez Aug 26, 2026
18 Views

HINDI pinalampas at agad na tinuligsa ni Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” M. Abante Jr. ang tinawag niyang “pandemic of lies” na kumakalat sa internet kasunod ng pagpapakalat umano ng mga lumang video at mapanlinlang na headline na nag-uugnay sa kanya sa sinasabing anomalya sa mga proyekto sa flood control.

Ayon kay Abante, may ilang media outlet at social media pages na muling nagpapalabas ng lumang video footage at nilalagyan ito ng mga bagong headline at larawan na aniya’y lumilikha ng maling impresyon na sangkot siya sa umano’y katiwalian sa mga flood control project.

“Several years ago, we faced a pandemic that threatened the health and lives of millions. Today, we confront a different kind of pandemic—a pandemic of lies,” pahayag ni Abante.

Sinabi ni Abante, Chairman ng House Committee on Human Rights, na maaaring kumalat sa loob lamang ng ilang segundo ang maling impormasyon, makasira ng reputasyon at lalong magpalabo sa pagkakaiba ng katotohanan at kasinungalingan.

Mariing itinanggi ng kongresista ang anumang pagkakasangkot sa mga kuwestiyonableng flood control project at iginiit na bukas sa pagsusuri ang kanyang rekord bilang lingkod-bayan.

“Hindi po ito totoo. Mali ito. Malinis ang aking konsensya at malinis ang aking record,” wika ni Abante.

Iginiit ng beteranong mambabatas na hindi siya kailanman nasangkot sa anumang anomalous flood control project, hindi tumanggap ng kickback at walang nakuhang benepisyo mula sa ganitong transaksyon.

“Wala po akong itinatago. My record is open to scrutiny,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Abante na bukas siya sa lehitimong puna at imbestigasyong nakabatay sa ebidensya, ngunit hindi aniya dapat gamitin ang lumang footage at mapanlinlang na presentasyon upang makabuo ng maling kuwento.

Hinimok din ng Metro Manila solon ang mga media outlet, content creator at social media pages na maging responsable sa kanilang inilalabas na impormasyon.

“Kung may pagkakamali ako, punahin ninyo ako. Kung may ginawa akong mali, ilabas ninyo ang ebidensya,” ayon kay Abante.

Gayunman, iginiit nitong hindi dapat gumawa ng maling akusasyon sa pamamagitan ng pagre-recycle ng lumang footage at paggamit ng mapanlinlang na headline para lamang magmukhang may kaso o alegasyon laban sa isang tao.

Binigyang-diin din ni Abante na buong suporta siya sa paglaban sa katiwalian, ngunit dapat itong nakabatay sa katotohanan at ebidensya.

“Hindi natin maaaring labanan ang kasinungalingan at katiwalian gamit din ang kasinungalingan,” ani Abante.

Sabi pa ni Abante na dapat managot ang tunay na may kasalanan ngunit hindi dapat idamay ang mga inosente para lamang sa clicks, views o political agenda.

To God be the 𝗚𝗹𝗼𝗿𝘆