Calendar
Mga abogado sa VP Sara trial bawal litisin ang merito ng kaso sa social media, interviews
HINDI maaaring gamitin ng mga counsel of record sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang social media, interviews o ibang public forum upang talakayin at ipaglaban ang merito ng kaso sa labas ng impeachment court, ayon sa tagapagsalita ng korte.
Sinabi ni impeachment court spokesperson Atty. Regie Tongol matapos ang ika-19 na araw ng paglilitis noong Miyerkules na ang mga counsel of record ay sakop ng Rule 18 gag rule at ng ethical restrictions sa public comments tungkol sa nakabinbing kaso.
“Kung abogado ka, litisin mo yung kaso mo sa loob ng korte. Huwag sa labas ng korte,” sabi ni Tongol.
Ayon kay Tongol, ipinagbabawal sa counsel of record ang public discussion na nag-aanalisa ng ebidensiya, nagbibigay ng factual o legal conclusions, naglalayong makaapekto sa public perception o maaaring makaimpluwensiya sa pagdedesisyon ng tribunal.
“Anything na nagdi-discuss ng merito ng kaso ng ebidensya, sinasabi mo na, ah, yung pinatunayan ng testigo na ito, ganto ito. At ganito ang ibig sabihin nito. Ina-analyze mo, nagkakaroon ka ng conclusion of fact, nagkakaroon ka ng conclusion of law,” sabi niya.
Sinabi rin ni Tongol na ang sub judice restrictions sa mga abogado ay nagbabawal sa pagtatangkang lumikha ng malawak na pananaw tungkol sa guilt o innocence bago magkaroon ng final decision o magparatang ng improper motives sa tribunal.
Sa paliwanag niya, ang counsel of record ay dapat magharap ng ebidensiya at argumento sa loob ng impeachment proceedings, hindi sa public forums.
Sa ilalim ng ruling ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero, sakop ng Rule 18 ang presiding officer, senator-judges, prosecutors, respondent, counsel of record at mga testigong sakop ng rule.
Nilinaw naman ni Tongol na maaaring magtalaga ang prosecution o defense ng spokesperson na hindi counsel of record.
“Kaya sinasabi ni presiding officer, kung spokesperson ka, huwag ka na lang maging counsel of record,” sabi niya.
Ayon kay Tongol, ang spokesperson na hindi counsel of record ay hindi sakop ng Rule 18 sa parehong kapasidad ng trial counsel. Kung abogado ang spokesperson, maaari pa rin siyang masaklaw ng professional ethical rules.
Pinahihintulutan naman sa ilalim ng ruling ang fair, true, objective at neutral na pag-uulat ng nangyari sa proceedings.
Nilinaw din ni Tongol na walang finding na ang mga naunang social media statements na binanggit ni Escudero sa ruling ay Rule 18 violations.
Kabilang sa mga tinalakay ang naunang Facebook post ni prosecution counsel Atty. Amando Virgil Ligutan tungkol sa “misleading questions.”
“I think walang finding na gano’n because of the fact that the presiding officer didn’t want to make a determination of any violation,” sabi ni Tongol nang tanungin kung lumabag si Ligutan.
Aniya, ginamit lamang ang mga naunang pahayag bilang mga halimbawa at binigyan ng impeachment court ang mga partido ng “clean slate” bago ang prospective enforcement ng Rule 18.
Kapag may ihaing alegasyon ng paglabag matapos maging epektibo ang ruling, sinabi ni Tongol na bibigyan muna ang inirereklamo ng 24 oras upang magsumite ng written explanation.
Kung magkaroon ng finding ng unang violation, sinabi niyang maaaring magpataw ang presiding officer ng admonition o reprimand sa open court. Sa ikalawang offense, maaari umanong magpataw ng hanggang ₱30,000 na multa sa bawat violation matapos ang panibagong pagkakataong magsumite ng paliwanag.
Kung ang sangkot ay abogado at may posibleng paglabag din sa Code of Professional Responsibility and Accountability, sinabi ni Tongol na maaaring i-refer ang usapin sa Supreme Court para sa posibleng disciplinary action.

