Calendar
Magsasaka di sumusuko sa hamon ng buhay
SA Brgy. Urdaneta, Victoria, larawan ng nilalang si Ruperto Hernandez, 73, na hindi natinag ng ulan o anumang unos araw man o gabi.
Matatag, masipag, at hindi sumusuko sa hamon ng buhay. Hindi niya alintana ang masamang panahon, pagod at hirap sa paghahanda ng lupang tataniman gamit ang suyod.
Habang ang iba’y naghahanap ng masisilungan, laging nakahawak si Ruperto sa suyod at inuuna ang pagpapaupa na siyang bumubuhay sa kanyang pamilya.
Para sa kanya, ang lupa ay hindi lamang hanapbuhay kundi sandigan sa pagtataguyod ng kanyang pamilya.
Ayon kay Tatay Ruperto, 18-anyos pa lamang siya nang unang humawak ng araro at suyod.
Mula noon, ang bukid na ang naging saksi sa pag-inog ng kanyang buhay.
Sa paglipas ng mga dekada, nanatili ang kanyang sipag at tiyaga, mga katangiang taglay ng isang tunay na magsasaka.
Bakas sa kalyo sa kanyang mga kamay, sa mga balikat at sa likod niyang nagpasan nang maraming hirap ang mahabang panahon ng kanyang paglilinang sa lupain.
“Hangga’t kaya pa ng katawan, magtatrabaho ako,” sabi niya.
Sa katauhan ni Tatay Ruperto, kita natin ang pusong handang magsikap at magsakripisyo para sa sarili at sa mga mahal sa buhay.
Isang pasasalamat at pagpupugay kay Tatay Ruperto at sa lahat ng magsasakang Mindoreño.

