Tax

Tax exempt na taunang sweldo gusto itaas sa P350K ng NV solon

Mar Rodriguez Aug 11, 2026
20 Views

ISINUSULONG ni Nueva Vizcaya Rep. Timothy Joseph “Tim” Cayton ang pagtaas ng taunang kita na hindi papatawan ng income tax mula P250,000 sa P350,000.

Nakapaloob ang sweldong sakop ng bill sa House Bill No. 10517 o ang Income Tax Exemption Adjustment and Indexation Act.

Sa ilalim ng panukala, magiging tax-exempt ang mga indibidwal na may taxable income na hindi lalampas sa P350,000 kada taon.

Aayusin din ang tax brackets para sa mga kumikita nang higit sa nasabing halaga upang mas maraming manggagawa ang makinabang sa tax relief.

Hindi na angkop sa kasalukuyang sitwasyon ang umiiral na P250,000 tax-exempt threshold dahil itinakda pa ito noong 2018 at sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, malaki na ang ibinaba ng purchasing power ng naturang halaga.

“Sa panahon na patuloy na tumataas ang presyo ng pagkain, kuryente, pamasahe at iba pang pangunahing pangangailangan, mahalagang mas maraming bahagi ng pinaghirapang kita ng ating mga manggagawa ang maiuwi nila sa kanilang pamilya,” ayon kay Cayton.

Tinatayang 3.13 milyong manggagawa ang direktang makikinabang sa panukala, habang nasa 1.2 milyong income earners ang inaasahang tuluyang hindi na magbabayad ng income tax.

Kapag naisabatas, aabot sa humigit-kumulang 6.3 milyong manggagawa ang magiging tax-exempt.

Itataas din ng panukala sa P120,000 ang tax-exempt ceiling para sa 13th month pay at iba pang katulad na benepisyo.

Binigyang-diin ni Cayton na layunin ng panukala na mapanatili ang tunay na halaga ng kinikita ng mga manggagawa sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastusin sa pamumuhay.

“Habang tumataas ang gastos ng pamumuhay, dapat sumabay ang sistemang pagbubuwis upang maprotektahan ang tunay na halaga ng kinikita ng bawat manggagawang Pilipino,” pahayag pa ni Cayton.