Barbers

Tax records ni VP Sara, asawa magpapatunay sa paratang ng ‘unexplained wealth’–Barbers

Mar Rodriguez Jul 31, 2026
37 Views

BINIGYANG-diin ni House prosecution spokesperson at impeachment adviser Robert Ace Barbers na ang mga isinumiteng tax records ng mag-asawang sina Vice President Sara Duterte at Atty. Manasses “Mans” Carpio ang mga dokumentong magpapatunay kaugnay sa paratang ng “unexplained wealth” laban sa kanila.

Iginigiit ni Barbers na ang pagsusumite ng mga tax record ng Bise Presidente sa Senate Impeachment Court ay isa pang mahalagang hakbang sa pagpapatibay ng dokumentadong ebidensya laban sa kanilang mag-asawa kaugnay sa hindi maipaliwanag na yaman.

Tinanggap ni Barbers ang hakbang ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na isumite ang mga nasabing rekord dahil sa pamamagitan nito ay nakakuha ang Impeachment Court ng mahahalagang dokumento sa tamang legal na proseso.

Ayon pa kay Barbers, hindi lamang hiwalay na susuriin ang mga tax record kundi ihahambing ang mga ito sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) ni Duterte, mga bank records at mga ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na ipinatawag ng Impeachment Court sa pamamagitan ng subpoena.

“Kapag pinagsama-sama ang mga dokumentong ito, mabubuo ang kumpletong dokumentadong bakas ng mga transaksyon. Magbibigay ito ng batayan sa Impeachment Court upang matukoy kung ang idineklarang yaman ng Bise Presidente ay tumutugma sa kanyang kinita at sa kanyang mga transaksyong pinansyal,” sabi ni Barbers.

Pagbibigay-diin ng dating kongresista na mula pa sa simula ay iginiit na ng House prosecution na ang kanilang kaso ay nakabatay sa mga opisyal na rekord ng pamahalaan.

“May resibo. May dokumento. May paper trail. Hindi ito usapin ng haka-haka o pulitika. Ang ebidensiya ay nagmumula sa mga opisyal na rekord ng gobyerno,” ani Barbers.

Ang dumaraming dokumentadong ebidensya ay magbibigay sa Impeachment Court ng sapat na batayan upang obhetibong matukoy kung may sapat na katotohanan ang akusasyon ng unexplained wealth laban sa Bise Presidente.

“Kapag pinagsama-sama ang tax records, bank records, AMLC reports at SALNs, magkakaroon ang Impeachment Court ng malinaw na batayan sa pagpapasya,” pagtatapos ni Barbers.