Tiangco

Tiangco malayang magmungkahi ng pagbabago sa mga patakaran ng Kamara sa badyet

229 Views

MALAYA si Navotas Rep. Toby Tiangco na maglahad ng mga isyu at magmungkahi ng pagbabago sa mga internal rules ng Kamara de Representantes kasama na ang nakaugaliang paglikha ng “small committee” na inaatasang tumanggap ng mga amyenda sa panukalang national budget.

Ginawa ni House of Representatives spokesperson Atty. Princess Abante ang paglilinaw matapos sabihin ni Tiangco na ang kanyang desisyon na maging independent sa halip na sumali sa majority bloc ay bunsod ng mga kuwestyon sa paggawa ng panukalang national budget gaya ng pagbuo ng small committee na siyang nagpapasok ng mga individual amendment sa General Appropriations Bill.

“Ngayon tungkol naman po sa sinasabi ni Cong. Tiangco na bubuwagin yung sinasabi niyang small committee, nasa karapatan din po niya bilang isang miyembro ng Kamara para maghain ng angkop na motion sa plenary para magkaroon ng tamang guidelines ang House,” ani Abante sa isang panayam.

“Again, alam po ito ni Cong. Tiangco at bilang miyembro ng House pwede po siyang mag-participate para magawan ng tamang action ng plenary yung tingin niya ay hindi nararapat at dapat na itama,” dagdag pa niya.

Kung magdedesisyon si Tiangco na isampa ito sa plenaryo, ang mga miyembro pa rin ng Kamara ang magpapasya sa magiging kahihinatnan nito.

Kamakailan, kinuwestiyon ni Tiangco ang komposisyon at kapangyarihan ng House small committee, isang mekanismong matagal nang ginagamit upang pagsama-samahin ang mga indibidwal na amyenda ng mga mambabatas.

Binanggit din niya ang umano’y sentralisadong kontrol sa ilang social programs gaya ng AKAP at AICS, na aniya ay nararapat busisiin nang mas mabuti.

Pinabulaanan naman ni Abante ang pahayag na ang Office of the Speaker ang may kontrol sa alokasyon ng pondo para sa mga programang nasa ilalim ng mga kagawaran ng gobyerno, at iginiit na hindi ito naaayon sa tunay na proseso ng badyet.

“Unang-una, matagal na pong congressman si Cong. Toby Tiangco. Alam niya po na hindi po totoo na ang Speaker ang may hawak sa mga pondo ng mga iba’t-ibang departamento,” ani Abante.

“Ang mga departments pa rin po ang may hawak ng kanilang pondo at paano nila i-implement ang mga programa under their agencies,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin ni Abante na ang small committee ay matagal nang ginagamit bilang pamantayang mekanismo sa Kongreso upang mapadali ang pagproseso ng napakaraming mungkahing amyenda sa badyet.

Aniya, mas nauna pa ang paggamit nito kaysa sa kasalukuyang liderato ng Kamara.

“Ang sinasabi niya pong small committee ay matagal na po tong pina-practice in many Congresses. Ito po ay isa sa mga mechanisms na ginagamit para maging efficient ang pag-consolidate nung mga individual amendments ng mga miyembro which is well within the powers of the HOR in the budget process,” paliwanag niya.

“This is a practice that has been done by Congress way before Speaker Martin was the Speaker of the House,” ayon pa kay Abante.

Nang tanungin kung may ideya siya kung bakit ngayon lamang inilabas ni Tiangco ang mga isyung ito, sinabi ni Abante na tanging ang kongresista lamang ang makasasagot nito, lalo’t matagal na rin siya sa Kamara.

“Siya lang naman po ata ang makakapagsalita nyan dahil matagal na rin po siya dito sa Kamara. Ngayon lang naman din po niya ‘yan nabanggit no. So siya lang din po ang makakasagot niyan,” aniya.

Muling iginiit ni Abante ang tungkulin ng small committee, na aniya’y limitado lamang sa pagsasama-sama at pagbuo ng report mula sa mga amyendang isinumite ng mga miyembro, na pagkatapos ay idinadaan sa huling deliberasyon.

“Sa pagkakaalam ko po ‘yan lang po ‘yung isa sa mga mechanisms na naging practice na ng Kongreso para i-consolidate nga po ‘yung mga individual amendments na hinahain ng iba’t-ibang Members ng House,” ayon kay Abante.