Calendar
Tip ni Sen. Aquino IV nagresulta sa mabilis na aksyon vs online threat sa Leyte
ANG impormasyong ipinaabot ni Senator Paolo Benigno “Bam” Aquino IV ang nagbunsod sa mabilis na pagkilos ng mga awtoridad laban sa naiulat na online threat sa isang paaralan sa Leyte, ilang araw matapos ang madugong pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.
Sinabi ni Department of the Interior and Local Government Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla na ipinaalam sa kanya ni Aquino ang online chatter sa Tacloban tungkol sa posibleng pag-atake sa isang paaralan. Agad itong ipinaabot sa Philippine National Police, na kumilos sa pamamagitan ng Criminal Investigation and Detection Group at Anti-Cybercrime Group.
Natunton ng mga awtoridad ang mga post sa isang 14-anyos na Grade 10 student ng Tolosa National High School.
Ayon kay Remulla, gumamit umano ang estudyante ng alyas na “Jasmine” at nag-post ng mga babala tungkol sa posibleng pamamaril o pananaksak sa paaralan. Kumalat umano ang mga post sa ilang Facebook accounts at nagdulot ng pangamba sa mga estudyante, magulang at residente.
“Sinabi niya, nag-post na siya na may mangyayari sa school. Noong nalaman namin, inaktuhan agad namin,” ani Remulla sa Camp Crame.
Ayon sa mga awtoridad, isa sa mga post, na nakasulat sa lokal na wika, ang nagbabala na guguluhin umano ang paaralan at dapat maghanda ang iba dahil may maaaring masaksak o mabaril.
Sinabi ni Remulla na pinuntahan ng CIDG personnel ang bahay ng estudyante at natuklasan umano na gumawa siya ng ilang Facebook accounts upang ikalat ang mga post. Kalaunan ay binura ang mga post at accounts.
Sinabi ng DILG chief na noong una ay hesitant makipagtulungan ang estudyante dahil sa takot sa posibleng epekto ng kanyang ginawa, habang tumanggi rin umano ang kanyang mga magulang na magbigay ng impormasyon tungkol sa insidente.
Ayon kay Remulla, tinitingnan ng mga imbestigador ang personal at family issues bilang posibleng dahilan sa likod ng mga post.
“Following engagement with her family and along with investigation results, the threat appears to be neutralized and inactive. No evidence of an organized plan or involvement of others was found and neither the student nor her family had access to firearms,” ani Remulla, batay sa ulat ng PNP-CIDG.
Sinabi rin niya na tinitingnan ng mga awtoridad kung naimpluwensyahan ang estudyante ng naganap na pamamaril sa San Jose National High School.
“It is possible that she was influenced by a recent shooting at San Jose National High School. It could be benign o puwede ding maging marahas,” ani Remulla.
Sa Tacloban attack, tatlong estudyante ang namatay at 20 ang nasugatan matapos umanong magpaputok sa loob ng campus ang dalawang lalaking estudyante na edad 14 at 15.
Pinasalamatan ni Remulla si Aquino sa agarang pagbibigay ng impormasyon at nanawagan sa publiko na i-report agad sa mga awtoridad ang anumang banta ng karahasan sa paaralan.
“Ang panawagan ko sa lahat ng netizens, kung me makikita kayong kahit anong threat or imminent threat or chatter, group discussions na me gustong gawing violence, or mass shooting, please call 911,” ani Remulla.
Sinabi ni Remulla na ipinakita ng Tacloban incident ang halaga ng mabilis na pag-uulat, dahil isang guro ang tumawag sa 911 sa loob ng isang minuto mula nang magsimula ang gun attack at dumating ang responders sa loob ng limang minuto.
Ang panibagong kaso sa Leyte ay muling naglagay ng pansin sa online threats, seguridad sa paaralan, emergency reporting at access sa baril matapos ang Tacloban shooting.
Nanawagan din si Remulla sa Kongreso na repasuhin ang implementing rules and regulations ng Republic Act 10591, o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, lalo na sa pananagutan ng licensed gun owners sa paghawak at pagtatago ng baril.
Sinabi niya na ang ginamit na baril sa Tacloban attack ay 9mm service pistol na pag-aari ng tiyahin ng isa sa mga menor de edad, isang policewoman na nakatalaga sa Police Regional Office 8.
Ayon kay Remulla, maaaring maharap sa administrative case ang policewoman, ngunit sinabi niyang maaaring hindi sapat ang kasalukuyang patakaran upang magkaroon ng criminal liability sa ganitong kaso.
“People have to be responsible gun owners, people have to take accountability pero sa nangyaring ito, wala kaming ma-charge sa batas. Dapat me criminal liability ang mga taong ito, dapat responsible lahat ang licensed gunowners sa paghawak at pagtatago ng baril,” ani Remulla.
Sinabi ni Remulla na irerekomenda niya sa Kongreso ang pagrebisa sa IRR ng RA 10591 upang maisama ang criminal liability sa illegal gun transfers at iresponsableng pagtatago ng baril.
Nanawagan din siya sa pamahalaan at Kongreso na pag-aralan ang posibleng aksyon laban sa computer at online games na may karahasan.

