Calendar
Tiyuhin himas rehas sa paggahasa sa pamangkin
ISA sa mga pinakahinahanap na akusado sa bansa na nahaharap sa mga kasong paulit-ulit na pang-aabusong seksuwal sa kanyang batang pamangkin sa Mountain Province ang naaresto ng mga operatiba ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) matapos siyang matunton sa kanyang pinagtataguan sa General Nakar, Quezon, ayon kay PNP-CIDG Director Major General Robert Alexander A. Morico II noong Sabado.
Ayon sa opisyal, ang suspek na gumagamit ng alyas na “Tino” ay kabilang sa mga most wanted person sa bansa at may nakalaang gantimpalang P150,000 mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa kanyang pagkakadakip.
Bandang alas-2:30 ng hapon noong Hunyo 8, inaresto ng mga tauhan ng CIDG Quezon Provincial Field Unit, Philippine National Police Special Action Force (SAF), at General Nakar Municipal Police Station ang suspek sa Barangay Umiray batay sa warrant of arrest na inilabas laban sa kanya. Nahaharap siya sa tatlong bilang ng statutory rape at dalawang bilang ng acts of lasciviousness kaugnay ng Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act. Ang warrant ay inilabas ng Regional Trial Court sa Bontoc, Mountain Province noong Setyembre 8, 2022. Ang kasong acts of lasciviousness ay may inirekomendang piyansang P200,000, habang walang piyansa ang mga kasong statutory rape.
Batay sa mga rekord ng korte, noong 2015 ay seksuwal na inabuso ng akusado ang kanyang pamangkin na noo’y nasa Grade 6 pa lamang, sa loob ng imbakan o storage room ng kanilang bahay sa Mountain Province. Pinagbantaan din umano niya ang biktima na papatayin o sasaktan kung magsusumbong o hihingi ito ng tulong.
Sa loob ng pitong taon, itinago ng biktima ang sinapit na pang-aabuso at noong 2022 lamang siya nagkaroon ng lakas ng loob na magsampa ng kaso laban sa kanyang tiyuhin, na nagresulta sa paglalabas ng warrant of arrest laban sa akusado.
Pinuri naman ni Maj. Gen. Morico ang CIDG Regional Field Unit 4-A at CIDG Quezon, na pinamumunuan nina Colonel Ganaban C. Ali at Lieutenant Colonel Rix S. Villareal, dahil sa matagumpay na pagkakaaresto sa suspek.
“Ang operasyong ito ay nagpapatunay sa matatag na paninindigan ng CIDG na papanagutin at mahuli ang lahat ng mga wanted person. Pinatitibay rin nito ang taimtim na pangako ng Grupo na pangalagaan at protektahan ang kababaihan at mga bata laban sa lahat ng anyo ng karahasan at pang-aabuso, lalo na ang mga menor de edad at inosenteng mga bata,” ani Morico.

