Calendar
Araw ng Kalayaan ipinagdiwang sa PRO 4A


CALAMBA CITY, Laguna–Nagdiwang ang Police Regional Office 4A (PRO 4A) ng ika-128 anibersaryo ng Kasarinlan ng Pilipinas noong Biyernes sa Camp BGen Vicente Lim sa lungsod na ito.
Nakasentro sa temang “Kalayaan. Kinabukasan. Kasaysayan,” pinangunahan ni P/Col. Maximo Sebastian Jr., chief of the Regional Staff, ang seremonya ng pagtataas ng watawat.
Dinaluhan ang aktibidad ng mga miyembro ng Regional Staff, mga hepe ng National Support Units (NSUs), mga tauhan ng Regional Headquarters at mga kinatawan mula sa iba’t-ibang Regional Support Units.
Binasa ni P/Col. Sebastian Jr. ang opisyal na mensahe ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Hinikayat ni P/Gen. Nartatez ang buong puwersa ng kapulisan na humugot ng inspirasyon sa katapangan ng mga ninunong nagbuwis ng buhay para sa bansa.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagtupad sa tungkulin nang may integridad at dangal tungo sa isang mas ligtas at mapayapang komunidad. Ang aktibidad ay nagsilbing paalala sa bawat mamamayan at alagad ng batas sa kanilang responsibilidad na pangalagaan ang kalayaan.

