Calendar
Kulungan ang kinahantungan ng isang suspek matapos pagbantaan ang kanyang pamangkin na papatayin gamit ang itak.
Tiyuhin kulong sa bantang pagpatay
TIKLO sa mga miyembro ng Manila Police District-Moriones Police Station 2 sa Mabuhay Street, Barangay 39, Tondo, Manila, ang lalaki na nagbantang papatayin ang kanyang pamangkin kamakailan.
Nahaharap sa kasong grave threat ang suspek na si alyas “Joseph,” 51-anyos, matapos ireklamo ng biktima na pamangkin niya rin na si alyas “Tine,” 24-anyos.
Ayon sa report, bandang alas-3:40 ng hapon nang mangyari ang insidente.
Base sa imbestigasyon, habang nag-iigib ang biktima biglang sumigaw ang kanyang tiyuhin ng “asan na ‘yung pagkain ko” at “papatayin kita Tine” habang may hawak na patalim at sinusubukang tagain ang biktima.
Nakatakbo ang biktima at iniulat ang insidente kina Pat. Mark Anthony Codera at Pat. Alsibli Datu Hatta na noon ay nagsasagawa ng foot patrol.
Nakita ang suspek na lumalabas habang hawak ang itak at patuloy na nagmumura o nagsasalita ng masasamang salita laban sa biktima.
Dahil dito, inaresto ng mga operatiba ang suspek at narekober ang nasabing ebidensiya.
Kasalukuyang inihahanda ang mga kasong grave threat laban sa suspek.

