Murder

TNVS driver binook ng parak para ihatid kelot na di makauwi, pinagbabaril ng pasahero, dedo

Edd Reyes Jun 8, 2026
255 Views

PINAGBABARIL ng kanyang pasahero ang driver ng transport network vehicle service (TNVS) na maghahatid lamang sa suspek sa kanyang tirahan sa Caloocan City.

Dedo kaagad ang 37-anyos na biktimang residente ng Merry Land Homes Subdivision, Brgy. 172 Caloocan City sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Naaresto naman sa follow-up operation ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang 43-anyos na suspek sa kanyang tirahan sa Brgy. Muzon, San Jose Del Monte City sa Bulacan.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na bago nangyari ang pamamaril noong Linggo ng alas-3:15 ng madaling araw, dinala ng mga tauhan ng Barangay 188 ang suspek sa Tala Police Sub-Station 14 dahil nawawala umano ang lalaki at hindi alam kung papaano makakauwi.

Upang matulungan, nagpa-book ng Grab ride ang pulisya na tinugunan ng biktima subalit pagsapit sa Phase 4B Pkg 8, B81, L11, Brgy. 176 Bagong Silang, dito na pinagbabaril ng suspek ang biktima sa hindi batid na dahilan.

Hindi naman nagbigay ng pahayag ang suspek sa pulisya kung ano ang motibo sa ginawang pagpaslang sa Grab driver.