Calendar
TRABAHO, LQ TINITINGNAN SA PAGDEDO KAY MIMA ALICIA
TRABAHO at alitan sa dating karelasyon ang anggulong tinitingnan ng mga pulis sa likod ng pagpaslang sa babaeng vlogger at pagkasugat ng kanyang live-in partner sa Caloocan City, ayon sa imbestigasyon.
Sa impormasyong nakalap sa Caloocan City police, dalawa ang nakikitang motibo sa pagpatay kay Alicia Lipata alyas Mima Alicia.
Ayon sa imbestigasyon, humantong pa sa pagsasampa ng kasong may kinalaman sa paglabag sa Violence Against Women and their Children Act at paghahain din ng reklamo laban sa kanya ang alitan sa dating karelasyon ng babae.
Binalikan din ng pulisya ang mga nai-post sa social media ng biktima kung saan marami siyang mga maaanghang na komento na may kinalaman sa isyung panlipunan at pulitika na posibleng may mga taong tinamaan at nasaktan sa kanyang pahayag.
Para sa pulisya, mahalaga ang magiging pahayag ng live-in partner ng biktima, na kasalukuyang nagpapagaling pa matapos sumailalim sa operasyon noong Sabado sa tinamong tama ng bala sa katawan.
Sa oras umanong maayos na ang kalagayan ng live-in partner ni Lipata, makakakuha na sila ng matibay na impormasyon para makilala at maaresto ang salarin.
Sa ngayon, mayroon ng persons of interest ang pulisya na nakabatay sa nirebisa nilang mga kuha ng CCTV sa lugar.

