Lopez

Transportation sec todo-suporta sa imbestigasyon sa mga sasakyan ng Discaya couple

Jun I Legaspi Sep 11, 2025
297 Views

SINABI ni acting Transportation Secretary Giovanni Lopez na suportado niya ang imbestigasyon ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno sa mga luxury vehicles na pag-aari ng pamilya Discaya.

Bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., inatasan ni Secretary Lopez ang Land Transportation Office (LTO) na makipagtulungan sa Bureau of Customs (BOC) at magbigay ng kinakailangang tulong sa pag-access ng lahat ng registration records, importation documents, at verification processes ng mga luxury vehicles na nasa kustodiya ng ahensya.

“Tutulong tayo sa Bureau of Customs para masigurong dumaan sa tamang proseso ang registration ng mga nasabing luxury vehicles. Kung ano ang kailangan ng BOC, ibibigay natin,” pahayag ni Secretary Lopez.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, kasalukuyang isinasagawa ang imbestigasyon upang beripikahin ang bisa ng mga electronically transmitted registration documents ng mga luxury vehicles ng pamilyang Discaya.

“Lumalalim na ang aming imbestigasyon. Magpapadala kami ng mga team sa Customs para magpakitaan kami ng dokumento,” ani Asec. Mendoza.

Bukod sa pamilyang Discaya, sinabi ni Asec. Mendoza na iimbestigahan din ng LTO ang mga pangalang lumitaw sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng umano’y mga ghost flood control projects.

Naninindigan ang Department of Transportation (DOTr) sa zero-tolerance policy laban sa mga hindi rehistradong luxury vehicles at nangakong isusulong ang lahat ng administratibo at kriminal na hakbang upang panagutin ang sinumang lumalabag sa proseso ng LTO registration.