Bataan

Tulay na magdudugtong sa Bataan, Cavite tuloy na

Christian Supnad Jul 3, 2026
273 Views

TULOY na ang $4 billion Bataan-Cavite Interlink Bridge matapos ibalita kay Bataan Gov. Joet Garcia na ang unang gagawin ay ang Bataan Land Approach ng proyekto.

Sinabi ni Gov. Garcia na ang mga kinatawan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kasama ang mga consultant at contractor ng Bataan-Cavite Interlink Bridge project, ay nakipagpulong sa kanya upang ibalita ang estado ng Bataan Land Approach.

“Tinalakay din po namin ang mga hakbang upang matiyak na maayos nang maisasagawa ang unang bahagi ng proyekto sa Mariveles ayon sa tamang proseso bago ang nalalapit nitong konstruksyon,” sabi ng gobernador.

“Makaaasa po ang lahat na patuloy tayong nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan upang matiyak ang maayos na pagsisimula ng proyektong ito na inaasahang magdadala nang malaking pag-unlad sa ating lokal na ekonomiya,” dagdap ni Gov. Garcia.

Nagpulong din sina Kapitan Dante Malimban at mga kinatawan ng DPWH Central Office para sa itatayong Bataan-Cavite-Interlink Bridge sa Brgy. Alas asin

Ayon kay Kapitan Malimban, ipinahayag ng DPWH ang kanilang suporta at koordinasyon para sa mga proyektong naglalayong mapabuti ang imprastraktura, kaligtasan, at pangkalahatang serbisyo para sa mga mamamayan.

Nagpasalamat ang Brgy. Alasasin sa DPWH Central Office sa kanilang pagbisita.

Ang BCIB na may habang 22 nautical miles na brainchild project ni Congressman Abet Garcia, ay magdudugtong sa Naic, Cavite at Mariveles, Bataan na, kapag natapos, ay magiging 25 minutes na lamang ang biyahe mula Cavite papuntang Mariveles.