Bro. Marianito Agustin

Tunay mo bang kilala si Jesus o kilala mo lang siya kapag may problema ka? (MATEO 16:13 -20)

617 Views

Hesus“AT sumagot ang mga Alagad. “Ang sabi po ng ilan kayo si Juan na Tagapagbautismo. Sabi po naman ng iba, kayo si Elias. At may nagsabi pong kayo si Jeremias, o isa sa mga propeta.” Tinanong ulit sila ni Jesus, “Ngunit para sa inyo, sino ako?” Sumagot si Pedro, “Kayo po ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay”. (Mateo 16:13 -20)

NAGING talamak ang tinatawag na “name dropping” o yung paggamit sa pangalan ng isang sikat o kilalang tao para lamang makaiwas sa malaking aberya o problema ang isang tao.

Halimbawa: ginagamit o binabanggit ng isang taong lumabag sa batas trapiko ang pangalan ng isang politiko na kunwari ito’y kamag-anak niya, tatay niya o kaibigan para lamang sadya niyang iwasan ang anomang traffic violation na ipapataw laban sa kaniya. Nagkukunwari silang “KILALA” nila ang taong ito.

Subalit sa ating Ebanghelyo para sa linggong ito (August 23) matutunghayan natin ang aral tungkol sa tunay na pagkakakilala ng mga tao kay Jesu-Kristo na Anak ng Diyos. Itinuturo din sa atin kung talaga bang tunay na nakikilala natin ang Panginoon o kung nagpapakilala lamang tayong tagasunod ni Kristo ngunit malayong-malayo naman sa klase ng pamumuhay natin.

Tinanong ni Jesus ang kaniyang mga Alagad kung ano daw ba ang sinasabi ng mga tao tungkol sa kaniya. Kung siya ba ay lubusang nakikilala ng mga tao partikular na ang kaniyang sariling mga Disipulo na araw-gabi, umulan man o umaraw ay lagi niyang kasa-kasama hanggang sa panahon na siya ay umakyat na sa Langit. (Marcos 16:19)

Itinuturo sa atin ngayon ng Mabuting Balita (Mateo 16:13 -20) kung gaano ba natin kakilala si Jesus. Kung tayo naman ang tatanungin. Sino ba sayo si Kristo? Ano ba ang totoong pagkakakilala mo sa Anak ng Diyos? Kilala mo ba siya ng lubusan?

Gaano ba talaga kalalim ang pagkakakilala mo kay Jesus? Sapat na kaya ang kilala mo lang siya bilang Papa Jesus, Panginoong Jesus at may nagsasabi pang “Daddy Jesus” hanep! Parang “sugar daddy” ang datingan. Hehehe.

NAME DROPPING DIN ANG ILAN SA PANGALAN NI JESUS:

NAPAKARAMI ang bumabanggit din (name dropping) sa pangalan ni Jesus. Nagpapakilala silang maka-Diyos, banal, sinugo ni Kristo at isinuko na daw nila ang buhay nila kay Jesus subalit napakalayo at talagang hindi nakikita sa kanilang pamumuhay ang kanilang sinasabi. Buong tapang nilang winiwika na “kilala nila si Jesus” ngunit hindi naman ito sumasalamin sa kanilang pang-araw araw na pamumuhay.

Ang totoo at hindi “budol” na pagkakakilala ng isang tao kay Jesus ay kailangang makita sa kaniya ang mga sumusunod: 1. Naisasabuhay nito ang mga aral ni Kristo, 2. Sumusunod siya sa kalooban ni Lord, 3. Dapat ay nakikita sa kaniyang pamumuhay ang Panginoon tulad ng pagmamahal sa kapwa, pagkakaloob ng tulong sa mga may-sakit, mga bilanggo, kapos-palad at iba pang mga taong nasa laylayan ng ating Lipunan, 4. pagmamahal sa ating mga kaaway at 5. Pagsunod sa Sampung Utos ng Panginoon.

Kapag naggawa natin ang mga bagay na ito. Dito natin mapapatunayan na totoo at wagas ang pagkakakilala natin kay Jesus at hindi “name dropping” lang o ginagamit lamang natin ang pangalan ng Panginoong Jesus para magpakilalang tayo ay banal at maka-Diyos kuno!

MENSAHE NG PAGBASA:

HINAHAMON tayo ngayon ng Ebanghelyo na kung talagang tunay ang pagkakakilala natin sa Diyos. Dapat ay tinutularan natin si Jesus, kailangang pagsikapan natin ang mamuhay ng malinis, walang dungis at perpekto. Sapagkat si Kristo mismo ang nangaral na: “Kaya naging ganap kayo, gaya ng inyong Ama na nasa Langit”. (Mateo 5:48)

Anong saysay ng ating mga pagdarasal, pagsisimba at pamamanata kung mababaw lamang ang pagkakakilala natin kay Kristo. Kilala lang ba natin siya kapag tayo ay nasa loob ng Simbahan, kapag tayo ay nagdadasal at namamanata? At pagkatapos nito. Balik na naman tayo sa maling pamumuhay natin. Kung ganito: Hindi talaga natin kilala ang Panginoong Jesus, at kilala lamang natin siya sa kaniyang “PANGALAN” at hindi sa kaniyang “PANGARAL” sapagkat hindi natin ito naisasabuhay.

SINO BA SI JESUS SA BUHAY KO?

Napakahalaga ng tanong ni Jesus sa kaniyang mga Disipulo at para sa ating mananampalataya. “Sino si Jesus sa buhay ko?”

Madaling sabihin na si Jesus ay Panginoon, Tagapagligtas o Anak ng Diyos. Ngunit mas mahalaga kung nakikita ba Siya sa ating mga desisyon, sa paraan ng pakikitungo natin sa kapwa sa paraan ng pagpapatawad natin at sa ating pananatiling matatag kapag tayo ay dumaraan sa pagsubok.

Si Jesus ba ay hinahanap ko lamang kapag may problema? Siya ba ay naaalala ko lamang kapag may kailangan ako o siya ba talaga ang sentro ng aking buhay, mga desisyon at mga pangarap?

Ang pagkilala kay Jesus ay hindi lamang tungkol sa sinasabi ng ating mga labi. Ito ay ipinapakita sa paraan ng ating pamumuhay.

Kung tunay nating kinikilala si Jesus bilang Kristo at Anak ng Diyos. Dapat makita ito sa ating pagmamahal, pagpapatawad, pagtulong, pagiging tapat at pagtanggap sa mga pagsubok.

MANALANGIN TAYO:

Panginoong Jesus, tulungan Mo akong makilala Ka hindi lamang sa aking isip at mga salita, kundi sa aking puso at sa aking pamumuhay.

Kapag ako ay nalilito, maging gabay Ka.

Kapag ako ay nanghihina, maging lakas Ka. Kapag ako ay nasasaktan, maging sandalan Ka. At kapag ako ay nahaharap sa mga pagsubok, turuan Mo akong yakapin ang aking krus nang may pananampalataya.

AMEN