Valeriano

Valeriano itutulak total ban ng online gambling

Mar Rodriguez Jul 8, 2025
321 Views

PARA kay Manila 2nd District Representative Rolando “CRV” M. Valeriano, hindi na uubra ang pagpapataw lamang ng mas mahigit na regulasyon laban sa talamak na online gambling. Bagkos, ang kailangang ikasa ay ang “total ban” ng nasabing sugal.

Binigyang diin ni Valeriano, Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na napapanahon na talaga para tuluyan ng puksain at lansagin ang pamamayagpag ng online gambling dahil sa napakaraming buhay na winawasak nito.

Ipinaliwanag ni Valeriano na bagama’t hinihingian ng valid ID ang mga addicted gamblers para makapaglaro subalit ang kanilang buong pamilya naman ay madaling nagagamit ang online gambling apps kaya pati aniya mga menor de edad ay natututong mag-sugal.

“Addicted gamblers, including young people get adults with valid IDs to register. But the entire family uses the online gambling apps, the kids are more techie than the adults so they find ways around the knows your costumer measures,” wika ni Valeriano.

Sinabi din ng kongresista na dahil malala na ang problema ng online gambling sa ating bansa. Hindi aniya uubra o solusyon ang “imposition” ng mahigpit na batas upang ito ay ma-regulate. Sa halip ay kailangan na ang tuluyang paglansag dito.

Kasabay nito, sampung panukalang batas ang inihain ni Valeriano ngayong 20th Congress patungkol sa online gambling habang kasama dito ang panukala kaugnay sa premature campaigning ng ilang mga kandidato sa halalan.

“I also filed a resolution to investigate the recent demolition of informal settlers’ home in Mayhaligue, Tondo. We will bust wide open any syndicates and conspiracies that inhumanely feed off the hardships of the poor,” sabi pa ni Valeriano.