Valeriano

Valeriano may payong kapatid kay Alvarez

Mar Rodriguez Apr 17, 2024
46 Views

PAYONG kapatid ang mensahe ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano para kay dating House Speaker at Davao del Norte 1st Dist. Cong. Pantaleon “Bebot” D. Alvarez na kasalukuyang kinukulapol ng kontrobersiya dahil sa binitiwan nitong pahayag sa ginanap na rally sa Tagum City.

Pinayuhan ni Valeriano ang dating House Speaker na maghinay-hinay at mag-ingat sa kaniyang mga binibitiwang pahayag upang hindi malagay sa balag ng alanganin. Katulad ng naging pahauyag nito kamakailan na hindi naiwasang nagkaroon ng negatibing impression.

Ang mensahe ni Valeriano para kay Alvarez ay patungkol sa panawagan ng huli sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na magbitiw ng suporta kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na itinuturing na “sedition”.

Ayon kay Valeriano, hindi naman masama ang pagpapahayag ng saloobin gaya ng ginawa ni Alvarez sapagkat ito ang ginagarantiyahan ng 1987 Philippine Constitution. Subalit kinakailangan lamang na maging maingat sa mga salitang namumutawi sa bibig ng sinomang indibiduwal.

Ipinaliwanag ng kongresista na ayaw na nitong makigatong o sumawsaw sa mga kapwa nito mambabatas na bumabatikos sa naging aksiyon ng dating House Speaker dahil nangyari na ang hindi dapat mangyari. Kaya ang magagawa na lamang niya ay magbigay ng payo sa kapwa nito kongresista.

Nauna rito, isiniwalat ni House Assistant Majority Leader at Zambales 1st Dist. Cong. Jefferson “Jay” F. Khonghun ang tunay na motibo ni Alvarez kaya ipinanawagan nito sa AFP ang pagbawi nito ng suporta kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

Hindi na nagpaligoy-ligoy at nagpatumpik-tumpik si Khonghun matapos nitong ilantad ang tunay na motibo ng dating House Speaker matapos ang kaniyang panawagan sa hanay ng AFP na mag-withdraw ng suporta kay Pangulong Marcos, Jr. sa gitna ng lumalalang sitwasyon sa West Philippine Sea (WPS).