Vlogger

Valeriano, nagbabala sa mga “buwis buhay” na mukbang videos

Mar Rodriguez Jul 1, 2024
101 Views

𝗡𝗔𝗚𝗕𝗔𝗕𝗔𝗟𝗔 𝘀𝗶 𝗠𝗮𝗻𝗶𝗹𝗮 𝟮𝗻𝗱 𝗗𝗶𝘀𝘁. 𝗖𝗼𝗻𝗴. 𝗥𝗼𝗹𝗮𝗻𝗱𝗼 “𝗖𝗥𝗩” 𝗠. 𝗩𝗮𝗹𝗲𝗿𝗶𝗮𝗻𝗼 𝗽𝗮𝘁𝘂𝗻𝗴𝗸𝗼𝗹 𝘀𝗮 𝗺𝗴𝗮 “𝗰𝗼𝗻𝘁𝗲𝗻𝘁 𝗰𝗿𝗲𝗮𝘁𝗼𝗿” 𝗼 𝗺𝗮𝘀 𝗸𝗶𝗹𝗮𝗹𝗮 𝘀𝗮 𝘁𝗮𝘄𝗮𝗴 𝗻𝗮 “𝘃𝗹𝗼𝗴𝗴𝗲𝗿𝘀” 𝗻𝗮 𝗴𝘂𝗺𝗮𝗴𝗮𝘄𝗮 𝗻𝗴 𝗸𝗮𝗻𝗶𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗰𝗼𝗻𝘁𝗲𝗻𝘁 𝗼 𝘃𝗶𝗱𝗲𝗼 𝗻𝗮 𝗻𝗮𝗴𝗹𝗮𝗹𝗮𝗴𝗮𝘆 𝗻𝗮𝗺𝗮𝗻 𝘀𝗮 𝗸𝗮𝗻𝗶𝗹𝗮 𝘀𝗮 𝗺𝗮𝘁𝗶𝗻𝗱𝗶𝗻𝗴 𝗸𝗮𝗽𝗮𝗵𝗮𝗺𝗮𝗸𝗮𝗻 𝘁𝘂𝗹𝗮𝗱 𝗻𝗴 “𝗺𝘂𝗸𝗯𝗮𝗻𝗴” 𝗻𝗮 𝗶𝘀𝗮𝗻𝗴 𝗯𝘂𝘄𝗶𝘀-𝗯𝘂𝗵𝗮𝘆.

Ang ibinigay na babala ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, ay kaugnay sa sinapit ng kilalang “mukbang blogger” mula sa lalawigan ng Iligan City na si Dongs Apatan matapos nitong lantakan sa kaniyang video ang buong ulo ng baka na mataas sa kolesterol.

Dahil dito, nagbabala ang kongresista para sa mga content creator na gumagawa ng “mukbang video” na magsilbi sanang babala para sa kanila ang sinapit ni Apatan na matapos gawin ang kaniyang content video ay inatake siya sa puso. Nakita ng mga doktor na may namuuong dugo sa ulo ng namayapang vloger.

Ayon kay Valeriano, ang itinuturong dahilan ng mga doktor sa pagpanaw ni Apatan ay ang huling content video nito kung saan isang buong pinalambot na ulo ng baka ang kaniyang pinag-piyestahan.

Aminado si Valeriano na mahirap ma-regulate ang mga mukbang videos.

Para kay Valeriano, ang tanging magagawa na lamang nito ay ang paalalahanan ang mga mukbang vloggers na huwag isa-alang alang ang “million views’ sa kanilang content video kundi ang kanilang kaligtasan at kalusugan.

Pagdidiin ni Valeriano, ang dapat isipin ng mga mukbang vloggers ay ang peligrong maaaring mangyari sa kanila sakaling gawin nila ang mga “buwis buhay” videos.

“Napaka-hirap ma-regulate ang mga mukbang videos dahil sa kabila ng mayroon ng namatay gaya ni Apatan. Ang tanging magagawa na lamang natin eh’ paalalahanan sila na sana ay matuto sila sa nangyari kay Apatan. Otherwise, what a life wasted for mere content,” wika ni Valeriano.