Rep. PM Vargas

Vargas tiniyak na tututukan paghahain ng mga panukala para sa kabataang Pilipino

Mar Rodriguez Aug 15, 2025
349 Views

KASABAY ng selebrasyon ng “Linggo ng Kabataan”,tiniyak ni House Deputy Majority Leader at Quezon City 5th District Rep. Patrick Michael “PM” D. Vargas na mas lalo pa nitong paiigtingin ang paghahain ng mga panukalang batas na nakatutok para pangalagaan ang kapakanan ng mga kabatang Pilipino.

Binigyang diin ni Vargas na tatlong panukalang batas ang nakatakda nitong isulong sa Kamara de Representantes na naglalayong paigtingin ang karunungan, kakayahan at values ng mga kabataang Pilipino bilang mga responsableng mamamayan.

Sinabi ng House Deputy Majority Leader na prioridad nito ngayong 20th Congress ang maihain ang mga mahahalagang panukala na mangangalaga sa interes at kapakanan ng mga Filipino youth na inaasahang maisasa-batas bago matapos ang taon.

Ayon kay Vargas, kabilang sa mga panukala na inihain nitong 20th Congress ay House Bill No. 3517 o Human Rights Education Act na naglalayong ituro sa lahat ng pribado at pampublikong paaralan ang comprehensive human rights education.

Layunin ng House Bill No. 3517, ipinaliwanag pa ng kongresista na lubos na maunawaan ng mga mag-aaral ang kanilang mga karapatan at kung papaano nila ito mapo-protektahan gayundin ang karapatang pantao ng mga kapwa nila estudyante.

Idinagdag ni Vargas na ang kaalaman at karunungan ang pangunahing sandata ng mga kabataang Pilipino para sa kanilang kinabukasan kung saan sa pamamagitan ng kaniyang mga panukalang batas ay masisiguro na makakamit ang nasabing layunin.

“Kaalaman ang unang sandata ng mga kabataan para sa kanilang kinabukasan. Sa pamamagitan ng panukalang ito, sinisiguro natin na ang bawat kabataang Pilipino ay maalam, maingat at may pananagutan sa kanilang desisyon mula sa kanilang karapatang pantao,” ani Vargas.