Vice and ion Larawan mula sa IG/@pereziion27

Vice humagulgol, nangako kay Ion: ‘Araw-araw sasamahan kita’

76 Views

HINDI napigilang maging emosyonal ng Box-office Superstar na si Vice Ganda matapos ang naging Magpasikat 2023 performance sa “It’s Showtime” ng grupo ng kanyang partner na si Ion Perez.

Tinalakay kasi ng kanilang pagtatanghal ang epekto at pagiging responsable sa paggamit ng social media at labis na paggamit ng cellphone.

Inalala ng ‘Unkabogable Star’ ang mga napagdaanan ni Ion sa social media na siyang dahilan para maiyak si Vice.

“Kasi syempre, araw-araw kasama ko ‘yan ‘di ba. Alam ko kung ga’no siya sinasaktan ng social media. Everyday he’s being judged kung ano siya, sa’n siya galing, pa’no siya magsalita. Ano lang nakikita sa kanya, ‘yung klase ng relasyon meron siya. Everyday, he’s being judged,” saad ni Vice.

“Araw-araw lumalaban ‘yan. Araw-araw nasasaktan. Kaya… Basta hindi niyo alam kung anong epekto nito kay Ion at sa’kin, hindi niyo alam. Ang alam niyo lang, ‘yung alam niyo, ang nakita niyo lang, ‘yung nakita niyo pero hindi niyo talaga alam,” dagdag pa niya.

Nagbitiw naman ng pangako si Vice kay Ion na sasamahan niya ito at mamahalin sa kabila ng lahat sa araw-araw.

“‘Di ba sabi ko sa’yo, araw-araw mamahalin kita kasi kakampihan kita araw-araw, ipagdadasal kita araw-araw, yayakapin kita araw-araw, dadamayan kita araw-araw. Araw-araw sasamahan kita. Mahal na mahal ko ‘yan. Proud na proud ako sa’yo,” wika ni Vice.