Angeles

Villanueva hiniling sa DOLE na suriing muli ang pagguho ng gusali sa Angeles

58 Views

HINIMOK ni Senador Joel Villanueva ang Department of Labor and Employment na muling buksan ang imbestigasyon sa pagsunod sa occupational safety and health standards sa construction site sa Angeles City kung saan may mga manggagawang na-trap matapos gumuho ang isang istruktura ng gusali.

Sinabi ni Villanueva na dapat alamin ng DOLE kung maayos at sapat na natugunan ng kontratista at may-ari ng gusali ang mga paglabag na una nang nakita ng labor inspectors, lalo na matapos inspeksiyunin ng ahensya ang lugar noong Setyembre ng nakaraang taon at maglabas ng work stoppage order dahil sa occupational safety and health standards violations.

“Umaapela na po tayo sa Department of Labor and Employment na muling buksan ang imbestigasyon tungkol sa occupational safety and health standards,” ani Villanueva.

“Nais po natin na tukuyin ng DOLE kung naging maayos at sapat ba ang mga ginawang tugon ng kontratista at may-ari ng gusali,” dagdag niya.

Ayon kay Villanueva, nagbukas ang pagguho ng gusali ng mahahalagang tanong tungkol sa pagsunod sa mga patakaran sa kaligtasan sa lugar-paggawa, follow-up inspections at pagpapatupad ng labor standards sa mga construction site.

Sinabi niya na dapat tingnan ng DOLE kung ganap na naitama ang mga paglabag na nakita sa naunang inspeksyon bago pinayagang magpatuloy ang trabaho sa lugar.

Hiniling din ng senador sa DOLE na bumuo ng task force na tutulong sa mga apektadong manggagawa at kanilang pamilya, kabilang ang pagproseso ng benepisyo, claims at iba pang tulong na dapat nilang matanggap.

Binanggit din ni Villanueva ang Republic Act No. 11058, o ang Occupational Safety and Health Standards Law, na aniya’y isinulong upang palakasin ang proteksyon sa mga manggagawang humaharap sa matinding panganib sa construction sites at iba pang lugar-paggawa.

Ayon kay Villanueva, hindi dapat matapos sa rescue operations ang tugon ng gobyerno dahil bahagi ng proteksyon sa manggagawa ang pananagutan, inspeksyon at direktang tulong sa mga naapektuhan.

Sinabi ng senador na seryoso ang panganib na kinakaharap ng construction workers kapag nababalewala o mahina ang pagpapatupad ng safety rules, kaya kailangang repasuhin ng DOLE kung nasunod ang mga umiiral na mekanismo sa kaso sa Angeles City.

Aniya, dapat magsilbing babala ang insidente upang masusing tingnan kung paano binabantayan ang safety orders matapos matukoy ang mga paglabag, at kung talagang sumusunod ang employers bago pabalikin ang mga manggagawa sa mapanganib na lugar.