Calendar
VM Chi, Nexu katuwang ng seniors, PWD para matuto sa digital technology
MAGIGING bagong katuwang ni Manila Vice Mayor Chi Atienza ang Nexus Technologies Inc. sa pagpapahusay ng kaalaman sa digital technology ng mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs) sa Lungsod ng Maynila.
Habang tinatapos pa ang mga detalye ng kanilang partnership, nangako na sa bise alkalde si Juan Chua, may-ari ng Nexus Technologies Inc.na ipagagamit ang kanilang mga kagamitan na layong matiyak na hindi maiiwanan ang mga lolo, lola, at PWD sa digital age upang mabigyan sila ng pagkakataong lumago ang kaalaman at maging produktibo.
“Naimbitahan tayo ng may-ari ng Nexus Technology Inc para makipagtulungan sa ating proyekto na maturuan ang ating mga kapatid na may kapansanan at senior citizens na mabigyan ng skills na pwede nilang magamit sa paghahanap ng trabaho online,” pahayag ni VM Atienza.
Dagdag pa rito, makakatulong din ang kanilang partnership na matugunan ang lumalaking pangangailangan ng suporta sa kalusugan sa pag-iisip, na noon pa man ay malapit na sa puso ng bise alkalde makaraang lumikha pa siya ng hotline service para sa mga Manileños na nakakaranas ng magulong pag-iisip at depresyon.
“I am happy to bring opportunities to our fellow citizens to restore hope for their families,” dagdag pa ni VM Atienza.
Ang naturang inisyatiba ay nakalinya rin sa pangako ni VM Atienza hinggil sa kapakanan ng matatanda na isang pagpapatuloy sa legasiya ng kanyang pamilya na pagkakaloob ng serbisyo publiko kabilang ang patuloy na pagtataguyod ng pangangailangan ng mga lolo at lola.
Hinimok din niya ang Manileño na suportahan ang paparating na bagong hakbangin dahil nakasalalay ang paglakas ng Maynila sa pagkakaisa ang pagdadamayan.

