COA

Warrant register, records isinumite ng OVP–COA

25 Views

NAGSUMITE ang Office of the Vice President ng warrant register at iba pang records bilang tugon sa audit observations, pero ayon sa isang dokumento ng Commission on Audit kulang pa rin ang supporting documents para sa P35 milyong reward payments.

Iniharap ang mga dokumento noong Martes habang sinusuri ng Senate impeachment court ang mga rekord na isinumite ng OVP para sa liquidation ng confidential funds.

Ipinakita rin sa korte ang tugon ng OVP na nilagdaan nina noon ay Undersecretary at Chief of Staff Atty. Zuleika T. Lopez at Assistant Secretary at Assistant Chief of Staff Lemuel G. Ortonio.

“We hope that you will find our comments and attached additional documents sufficient to address the audit observations. Rest assured that, should the need arise, the OVP shall readily respond to additional queries that you may have on the matter,” nakasaad sa liham.

Kabilang sa mga ipinakitang dokumento ang certification mula sa Vice Presidential Security and Protection Group at intelligence-operation reports kaugnay ng engagements ng Vice President at mga aktibidad ng satellite offices ng OVP.

Nagpatotoo ang isang COA witness na paglalarawan lamang ng mga aktibidad ang nasa intelligence reports at kulang ang mga dokumentong hinihingi sa ilalim ng Joint Circular No. 2015-01 upang patunayan ang tagumpay ng information-gathering o surveillance activities na sumusuporta sa mga kuwestiyunadong reward payments.

Kabilang sa mga aktibidad na binanggit sa records ang meetings at programs ng satellite offices ng OVP, Libreng Sakay, TUPAD-related activities, medical missions, pamamahagi ng rice boxes at pagbisita sa mga ospital.

Tinukoy sa audit document ang Item 4.8.5 ng Joint Circular, na nag-aatas na ang reward payments sa informers ay suportado ng dokumentong nagpapatunay sa tagumpay ng information-gathering o surveillance activities na nagmula sa impormasyong ibinigay ng informer.

Tinukoy din sa audit observation ang kakulangan sa documentary evidence of payment na isinumite kasama ng liquidation report.

Binanggit dito ang Item 4.12 ng Joint Circular, na nag-aatas na suportado ng documentary evidence of payment ang confidential-fund disbursements, at Item 6.2.3.3, na may kaparehong requirement para sa liquidation ng cash advances.

Sa isa pang audit finding, nakasaad na ang Physical and Financial Plan ng OVP ay may pangkalahatang socio-economic program ngunit hindi nakasaad ang partikular na confidential activities na dapat pagbatayan ng confidential-fund disbursements.

Nakasaad din sa audit document na hindi pirmado ng recipient ng cash advance ang Box E ng isang Disbursement Voucher na tumutukoy sa receipt of payment.

Inirekomenda ng COA na magsumite ang mga concerned officials ng kinakailangang dokumento, paliwanag at supporting records upang tugunan ang mga deficiency.

Ang Audit Observation Memorandum na ipinakita sa korte ay inilabas sa ilalim ng awtoridad ni COA Assistant Commissioner at officer-in-charge Nilda B. Plaras.