CIDG1

₱43.7M unlabeled home appliances, nasamsam sa CIDG raid sa Bocaue

Bernard Galang Jan 21, 2026
155 Views

Camp Capt. Julian Olivas, Lungsod ng San Fernando, Pampanga — Nasamsam ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Regional Field Unit 3 ang mahigit P43.7 milyong halaga ng mga kagamitang pambahay at naaresto ang limang suspek sa pagpapatupad ng search warrant sa Bocaue, Bulacan.

Ayon kay CIDG RFU3 chief Col. Grant Gollod, isinagawa ang operasyong tinawag na Oplan Megashopper sa dalawang bodega na matatagpuan sa Narra Street, Barangay Taal, Bocaue, sa pangunguna ng CIDG RFU 3 Regional Special Operations Team (RSOT) at sa suporta ng Bulacan Provincial Field Unit at Bocaue police.

Ipinatupad ng mga awtoridad ang Search Warrant No. 2-M-2026 kaugnay ng paglabag sa Article 77 ng Republic Act No. 7394 o Consumer Act of the Philippines, na nagtatakda ng minimum labeling requirements para sa mga produktong pangkonsyumer.

Inaresto ang mga suspek na kinilalang sina alias Kevin, 41, Chinese national at warehouse manager; alias Lyn, 27, human resources officer; alias Arjay, 23, administrative staff; alias Sias, 33, head ng receiving; at alias Rosy, 37, head ng drop-off at pick-up operations.

Samantala, nananatiling at-large ang proprietress ng negosyo na kinilalang alias Analyn.

Nasamsam sa operasyon ang walong computer set na may waybill printer, mga business permit at rehistro, sari-saring dokumentong pangnegosyo, mga CCTV DVR unit, packaging materials, at libu-libong kahon ng mga kagamitang pambahay na may tatak na “TIXX.”

Kabilang sa mga ito ang mga gas stove, multifunctional electric steamer, air fryer, water dispenser, heater, vacuum, at air cooler, na may kabuuang tinatayang halagang P43,733,700.

Sinabi ni Col. Gollod na nag-ugat ang operasyon sa impormasyong ibinigay ng isang civilian informant na kalaunan ay napatunayan ng kanilang mga imbestigador.

Kinumpirma rin ng imbestigasyon na ang mga bodega ay namamahagi ng mga kagamitang pambahay na hindi sumusunod sa minimum labeling requirements na itinatakda ng batas.

Ayon pa sa mga awtoridad, naging paksa na rin ng maraming reklamo mula sa mga online consumer ang mga produkto dahil sa mga iniulat na depekto at panganib sa kaligtasan na maaaring magdulot ng banta sa mga mamimili.

Sasampahan ng kaso ang mga suspek dahil sa paglabag sa Article 77 ng Consumer Act of the Philippines.