Cayton

₱50,000 MINIMUM SAHOD PARA SA MGA GURO ISINUSULONG

Mar Rodriguez Oct 7, 2026
153 Views

ISINUSULONG ni House Assistant Majority Leader at Nueva Vizcaya Lone District Rep. Timothy Joseph “Tim” Cayton ang House Bill No. 11478 o ang “Tamang Sahod para sa Guro Act” na naglalayong magtakda ng ₱50,000 bilang minimum na buwanang sahod para sa mga guro sa pampublikong elementarya at high school.

Sa ilalim ng panukalang batas, sinabi ng kongresista na walang public school teacher ang tatanggap ng basic monthly salary na mas mababa sa ₱50,000 o sa halagang nakatakda sa kanyang salary grade at step sa ilalim ng Salary Standardization Law, alinman ang mas mataas.

Sa kasalukuyan, ang buwanang sahod ng isang Teacher I ay ₱30,024 na mas mababa sa tinatayang ₱36,510 na kinakailangan para sa isang pamilyang may limang miyembro. Aabot naman sa 803,272 ang mga gurong nasa hanay ng Teacher I hanggang Teacher III.

Ayon kay Cayton, natatangi ang probisyon ng Saligang Batas tungkol sa mga guro dahil kabilang sa mga propesyong tahasang binigyang-diin nito ang pangangailangan para sa sapat na kabayaran sa mga guro.

“Marami sa ating mga guro ang kailangan pang mag-sideline, magturo sa labas ng oras, o mangibang-bansa upang matustusan lamang ang pangangailangan ng kanilang pamilya. Hindi iyon pagkukulang ng ating mga guro. Iyon ay tanda na hindi pa natin natutupad ang matagal nang inilaan para sa kanila,” ani Cayton.

Bukod sa HB 11478, ipinaliwanag ni Cayton na maghahain din siya ng hiwalay na panukalang batas na tatawaging “Public Higher Education Faculty Salary Progression Act.”

Ayon sa kaniya, layunin nitong tugunan ang usapin ng sahod at career progression ng mga gurong nagtuturo sa state universities and colleges (SUCs) na hindi saklaw ng HB 11478.

Binigyang-diin ni Cayton ang mahalagang papel ng mga guro sa paghubog ng kinabukasan ng bansa.

“Sa mga kamay ng ating mga guro natin ipinagkakatiwala ang kinabukasan ng ating mga anak. Hindi sapat na pasalamatan natin sila tuwing Oktubre. Ang tamang sahod ang pinakamatibay na anyo ng pasasalamat, at nararapat nating ibigay ito sa kanila habang nasa serbisyo pa sila,” dagdag ni Cayton.

Ang panukala ay naglalayong kilalanin ang mahalagang kontribusyon ng mga guro sa edukasyon at sa paghubog ng susunod na henerasyon sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mas sapat at makatarungang kabayaran para sa kanilang serbisyo.