Fake Larawan: PAGASA/FB

₱1.39-M halaga ng pekeng food seasoning, nasamsam sa Bulacan; seller arestado

76 Views

Arestado ang isang 28-anyos na babae matapos makumpiskahan ng tinatayang ₱1.39 milyon halaga ng hinihinalang pekeng food seasoning sa operasyon ng Philippine National Police (PNP) sa Marilao, Bulacan, noong Nobyembre 24, 2026.

Ayon sa PNP, isinagawa ang operasyon ng Bulacan Provincial Criminal Investigation and Detection Team, katuwang ang Marilao Municipal Police Station at Bulacan Police Provincial Office, kasama ang mga kinatawan ng manufacturer at Food and Drug Administration (FDA) Region III.

Nahuli umano ang suspek habang nagbebenta ng mga pekeng seasoning product sa isang pulis na nagpanggap na mamimili. Nasamsam sa operasyon ang iba’t ibang pakete at kahon ng mga hinihinalang counterfeit product na nagkakahalaga ng ₱1,392,000.

Posibleng sampahan ang babae ng kasong trademark infringement at unfair competition sa ilalim ng Republic Act No. 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines. Nasa kustodiya siya ng pulisya habang hinihintay ang inquest proceedings.

Binigyang-diin ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. na mahalaga ang pagtugis sa mga nagbebenta ng pekeng produkto upang maprotektahan ang mga mamimili at lehitimong negosyo. Pinayuhan din ng PNP ang publiko na suriin ang mga label at packaging, lalo na sa mga produktong ibinebenta sa kahina-hinalang mababang presyo.