Calendar
1 sa bawat 4 na batang Pinoy wala pang 5 anyos may stunting
ISA sa bawat apat na batang Pilipino na wala pang limang taon ang may stunting matapos tumaas ang national rate mula 23.6 porsiyento tungong 25.3 porsiyento, ayon sa datos ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute.
Tumaas ng 1.7 percentage points ang stunting rate kumpara noong 2023, ayon pa sa datos. Nabali nito ang pagbaba na naitala mula pa noong 2015.
Ang stunting ay dulot ng matagal na kakulangan sa nutrisyon. Maaari nitong maapektuhan ang paglaki, pag-unlad ng utak at kakayahang matuto.
Mas mataas ang stunting rate sa mga kanayunan sa 27.8 porsiyento, kumpara sa 23.2 porsiyento sa mga lungsod.
Nanguna ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa 36 porsiyento. Sumunod ang Zamboanga Peninsula sa 34.6 porsiyento, Negros Island Region sa 30.9 porsiyento at MIMAROPA sa 30.3 porsiyento.
Sinabi ni Sen. Loren Legarda na dapat tugunan ang learning crisis bago pa pumasok sa paaralan ang mga bata.
“Kapag pinag-uusapan natin ang krisis sa edukasyon, madalas silid-aralan, guro, at mga aklat ang agad nating naiisip,” sabi ni Legarda.
Hindi natatapos sa early childhood ang epekto ng stunting dahil ayon sa DOST-FNRI, 18.9 porsiyento ng mga batang edad lima hanggang 10 at 21.4 porsiyento ng mga kabataang edad 10 hanggang 19 ang may stunting din.
Ang unang 1,000 araw ng buhay ng bata—mula pagbubuntis hanggang dalawang taong gulang—ang humuhubog sa paglaki at pagkatuto.
Nanawagan si Legarda ng mas maayos na pagtutulungan ng national government agencies, local governments, mga paaralan, komunidad at pribadong sektor para mapalakas ang maternal care, child nutrition at access sa abot-kayang pagkain.
Hiniling din niya ang buong pagpapatupad ng Republic Act No. 11148 o Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act, na nagbibigay ng health at nutrition interventions sa unang 1,000 araw ng buhay ng bata.
“Sa maraming kanayunan, ang mga magulang ng mga batang ito ay sila ring mga magsasaka at mangingisda,” sinabi niya.

