Calendar
1 sundalo dedo, 8 sugatan sa pananambang sa Basilan



PATAY ang isang sundalo habang sugatan ang walong iba pa kabilang ang isang 10-anyos na bata sa panibagong pananambang sa Basilan nitong Huwebes ng gabi.
Kabilang sa mga nasugatan sina Technical Sgt. Edgardo Gayao, Staff Sgt. Noel Backas, Private 1st Class Ismael Degamo, Private 1st Class Felipe Tercio Tañamor Jr. at Staff Sgt. Dwight Eissen Villamil at isa pang pansamantalang nakilala lang na Cpl. Lagmay, pawang mga miyembro ng 45th Infantry Battalion.
Sugatan din sa insidente ang mga sibilyang sina Daniel Hajim Onton at grade 4 nitong anak na si Erpan Jalulon Onton.
Agad na isinugod sa pagamutan ang mga nasugatan subalit isang sundalo ang nasawi habang ginagamot.
Batay sa ulat, naganap ang pananambang sa Barangay Sabong, Lamitan City, hindi kalayuan sa bayan ng Tipo-Tipo sa naturanga probinsya.
Lulan ang mga sundalo ng isang KM450 Army light truck na naka-convoy sa ilang sasakyan nang ratratin ng assault rifles ng mga armado.
Bukod sa sasakyan ng sundalo, pinaulanan din ng bala ng mga suspects ang isang multicab na sakay ang mga sibilyan na nakasunod sa convoy.
Ayon sa mga local executives sa Basilan, ang grupong responsable sa naturang ambush ay siya ring nasa likuran na October 5 ambush sa Barangay Badja sa Tipo-Tipo na ikinasugat ng 13 military servicemen.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

