Tulak

Alyas Yani timbog sa shabu at boga sa Batangas buy-bust

108 Views

KAMPO HENERAL MALVAR, Batangas–Kalaboso noong Martes ang isang 21-anyos na walang trabaho matapos maaresto sa isang buy-bust operation sa Brgy. Santiago Malvar, batangas.

Ang suspek, ayon kay Batangas police director PCOL Oliver Ebora ay si alyas Yani, residente ng Brgy. Bagong Pook sa nasabing bayan ay naaresto ng mga tauhan ng Malvar Municipal Police Station at nakumpiska ang isang Caliber .38 Springfield revolver na may serial number 100569; bala, isang navy blue sling bag, dalawang sachet ng pinaghihinalaang shabu at buy-bust money.

Para matiyak ang integridad ng operasyon at transparency, gumamit ang mga awtoridad ng dalawang Alternative Recording Devices (ARD) at ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatang konstitusyonal sa wikang kanyang nauunawaan.

Kasalukuyan na siyang nakapiit sa Malvar Municipal Police Station habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).