Calendar
10 panukala isinusulong karapatan ng manggagawa, commuter, OFW
NAGSUMITE si Senador Raffy Tulfo ng sampung pangunahing panukalang batas na layong palakasin ang karapatan ng mga manggagawa, tiyakin ang proteksyon ng mga commuter, at isulong ang kapakanan ng mga overseas Filipino worker (OFW). Ayon sa kanyang opisina, ang mga panukala ay tugon sa matagal nang mga isyung kinahaharap ng iba’t ibang sektor, tulad ng kawalan ng sapat na pasahod, abusadong kontrata, kulang na proteksyon sa kalusugan, at pabigat na buwis.
Isa sa mga panukalang batas ay ang Wage Theft Law na layuning gawing kriminal ang hindi tamang pagpapasahod. Binabago nito ang ilang bahagi ng Labor Code upang mapatawan ng mabigat na parusa ang mga employer na lumalabag. Kasunod nito, isinusulong din ang Anti-Abuse of Pakyawan Workers Act na nagtatakda ng minimum na sahod at mas mahigpit na labor standards para sa mga manggagawang pakyawan at kontraktuwal.
Inihain din ang Department of Water Resources Act na nagmumungkahi ng bagong kagawaran na mangangasiwa sa pamamahala ng tubig sa bansa at magpapasimple sa mga tungkulin ng iba’t ibang ahensya. Para sa mga commuter, isinumite ang Magna Carta for Commuters Act na layuning kilalanin at protektahan ang mga karapatan ng pampublikong pasahero sa pamamagitan ng ligtas, abot-kaya, at maaasahang transportasyon.
Para sa mga manggagawang pangkalusugan, isinulong ang Hours of Work for Health Workers Act na nililimitahan ang overtime at trabaho tuwing pahinga at pista opisyal, bilang bahagi ng isang Magna Carta para sa kanila. Sa usapin ng seguridad, iminungkahi ang Law Enforcement Body-Worn Camera Act na nagtatalaga ng sapilitang paggamit ng body camera ng mga pulis upang maisulong ang pananagutan at transparency sa mga operasyon.
Pinapalawak din ng Expanded School-Based Feeding Program ang libreng feeding program sa pampublikong paaralan at sinusuportahan ang mga lokal na magsasaka bilang pangunahing tagapagtustos ng pagkain. Upang maibsan ang pasaning pinansyal ng mga Pilipinong biyahero at OFW, isinusulong ang Limiting the Collection of Travel Tax Act na layuning bawasan ang buwis sa mga economy-class passengers.
Bukod dito, pinalalawak ng Anti-Domestic Violence Act ang proteksyon laban sa karahasan sa tahanan upang maisama ang lahat ng indibidwal, anuman ang kanilang kasarian o sexual orientation. Panghuli, isinusulong din ang Financial Literacy Education for OFWs Act na nagbibigay ng libreng training sa mga OFW at kanilang pamilya hinggil sa tamang pamamahala ng pananalapi.
“These measures reflect Senator Tulfo’s ongoing commitment to fight for workers, protect public interest, and ensure that no Filipino—whether at home or abroad—is left behind,” ayon sa pahayag ng kanyang opisina. Ipinunto ng senador na ang kanyang mga panukalang batas ay nakatuon sa pagkilos at resulta, at inilaan para sa mga mamamayang madalas na hindi naririnig at hindi napaglilingkuran ng pamahalaan.

